CLICKBAIT ni JO BARLIZO
KUNG may isang bagay na hindi nauubusan sa pulitika sa Pilipinas, iyon ay ang kakapalan ng mukha at mga nakatatawang plot twist.
Imagine, nasa gitna ka na ng impeachment trial, pero ang pangunahing alalahanin mo tila hindi ang iyong legal strategy, kundi kung sino ang magbabayad ng buffet.
Nang pumutok ang balitang humihiling ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo (OVP) na sagutin ng Senado ang catering service, pagkain, at inumin ng buong defense team, support staff, at mga testigo—marami ang napakamot ng ulo. Si House Senior Deputy Speaker Janette Garin, tila natawa na lang. Sabi niya, “funny” at highly improper. Bakit nga naman hindi? Parang nagpa-party ka sa bahay ng kapitbahay mo, tapos pina-charge mo pa sa kanila ang inorder na pizza.
At hindi lang basta-basta pagpapakain ang hiling ng OVP sa kanilang July 7, 2026 na sulat kay Senate President Win Gatchalian. May tatlo silang special conditions:
Una, dapat eksklusibong isisilbi ang pagkain sa kanilang holding room; pangalawa, ang pagkain ay dapat galing strictly sa accredited caterer ng OVP; pangatlo, dahil impeachment trial naman daw, i-charge na lang sa mataas na kapulungan ang buong resibo.
Tulad ng punto ni Rep. Garin, medyo nakaiinsulto rin sa Senado, ‘di ba? Para mo na ring sinabi na baka “di ligtas” o nakatatakot ang ipakakain ng Senado kaya kailangang galing sa choice mong pribadong caterer, pero sila pa rin ang magbayad. Ay grabe!
Paalala naman nina Senator Panfilo Lacson at House Prosecutor Rep. Terry Ridon sa kampo ng Bise Presidente: may kanya-kanyang badyet ang OVP at ang Kamara. Hindi puwedeng gawing unli-caterer ang Senado.
Malinaw ang sabi ni Sen. Lacson: Ang pagpatol sa ganitong hirit ay direktang paglabag sa Government Procurement Law. Baka imbes na makatipid, panibagong kaso na naman ng pampublikong paggasta ang ibunga nito.
“Ang hirit ng OVP ay maaaring magbukas ng procurement case laban sa Senado,” hirit naman ni Ridon.
Teka nga lang. Mula sa kontrobersya ng confidential funds, usapin ng paggasta, hanggang sa mismong impeachment—napakarami nang kinakaharap na usaping legal at pampulitika ng Bise Presidente.
Sa dami ng nagpapatong-patong na isyu, hindi pa ba sawa si VP Sara sa kanyang mga kaso at parang gusto pa niyang magdagdag ng panibagong procurement case para lang sa meryenda?
Kung pati pagkain at inumin ng sariling abogado at testigo ay ipapasa pa sa pondo ng taumbayan sa pamamagitan ng Senado, baka sa susunod, ang ipa-reimburse na rin nila ay ang tip sa waiter. Hinay-hinay rin pag may time—mahirap lunukin ang pagkain kapag galing sa pondo ng bayan!
80 