KINUMPIRMA ng Department of Energy (DOE) ang kanselasyon ng Wind Energy Service Contract (WESC) para sa planong 247-megawatt Banahaw Wind Power Project sa Quezon, kasunod ng boluntaryong pag-atras ng kontrata ng project developer.
Batay sa liham na may petsang Hulyo 20, 2026 na nilagdaan ni Renewable Energy Management Bureau Director Atty. Marissa P. Cerezo, tinanggap ng DOE ang pagbawi ng kontrata noong Enero 26, 2026.
Inilabas ang kumpirmasyon bilang tugon sa inquiry ng environmental group na Tanggol Kalikasan Inc. na isinumite noong Abril.
Sakop sana ng proyekto ang mga bahagi ng Sariaya at Tayabas City, malapit sa Mount Banahaw-San Cristobal Protected Landscape, isang protected area na kinabibilangan ng mga kagubatan, watershed at iba pang mahalagang tirahan ng iba’t ibang uri ng mga hayop at halaman.
Matagal nang kinuwestiyon ng mga residente at environmental groups ang proyekto dahil sa posibleng epekto nito sa kalikasan, partikular sa Mount Banahaw na itinuturing na mahalagang pinagkukunan ng tubig at may malaking kahalagahang pangkalikasan at pangkultura.
Ayon sa mga grupong pangkalikasan, kabilang ang Tanggol Kalikasan at Juan Banahaw, ang pagkansela ng proyekto ay resulta ng patuloy na pagbabantay at pakikilahok ng mga komunidad sa usapin ng pangangalaga sa protected landscape.
Bagama’t kinikilala ng mga environmental advocate ang kahalagahan ng renewable energy sa pagtugon sa climate change, iginiit nilang dapat tiyakin ng pamahalaan at mga developer na ang mga proyektong pang-clean energy ay hindi makapipinsala sa mga sensitibong kagubatan, watershed at iba pang kritikal na likas na yaman.
(NILOU DEL CARMEN)
60 