MAG-QUALIFY sa 2022 Beijing Winter Olympics ang goal ni short-track speed skater Julian Macaraeg sa kanyang pag-aksyon sa International Skating Union (ISU) World Cup 1 simula ngayon (Huwebes).
Si Macaraeg ang unang Pinoy na sasabak sa individual 500m, 1000m at 1500m events ng World Cup 1 sa Beijing, China.
Ipinasilip pa ng Philippine Skating Union sa kanilang Facebook page ang practice session ng 18-year-old speed skater bago ang kompetisyon nito sa una sa apat na serye ng ISU World Cups.
Gaganagapin sa Oktubre 28 ang World Cup 2 sa Nagoya, Japan; sa Nobyembre 18 naman ang World Cup 3 sa Debrecen, Hungary; at sa Nobyembre 25 ang World Cup 4 sa Dordrecht, Netherlands.
Target ni Macaraeg na makakuha ng tiket para sa Winter Olympics 2022 na gaganapin sa Beijing.
Si Macaraeg ang unang Pinoy speed skater na umaksyon sa Winter Youth Olympics noong 2020 at sa nakaraang World Short Track Speed Skating Championships. (ANN ENCARNACION)
