MAKINA SA SAKAHAN PARA SA MAS MALAKING KITA

USAPANG KABUHAYAN

TAKOT ang marami na masasayang lang ang P10 bilyon na Rice Competitiveness Fund na ipinapatupad sa ilalim ng Rice Tariffication Law. Aniya ng mga kritiko, ang nakaraang karanasan kung saan bilyun-bilyong piso ng pondo ng Department of Agriculture ang nasayang sa ilalim ng administrasyon nina dating Pangulong Gloria Mapacagal-Arroyo at dating Pangulong Benigno S. Aquino III ay pruweba na nanganganib lang sa DA ang pondo.

Totoo naman na napakaraming kaso ng katiwalian na ang naisampa sa mga opisyal at empleyado ng DA nitong mga nakaraang dalawang administrasyon. Nag-umpisa ito sa tinatawag na Fertilizer Fund Scam na umano’y pinamunuan ni da­ting Usec. Jocjoc Bolante hanggang sa kaso ng mga nawalang pondo ng mga kongresista at senador dahil sa pagma-magic ng “pork barrel queen” na si Janet Napoles.

May P5 bilyon o kalahati ng P10 bilyon na Rice Competitiveness Fund ang mapupunta sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech na isang ahensya sa ilalim ng DA ngayong taon na ito kung mailabas na ang implementing rules and regulation ng Republic Act No. 11203 o ang Rice Tarrification Law na tinatanggal ang limitasyon sa bilang ng pwedeng maiangkat na bigas kapalit ng taripa na 35% hanggang 50%.

Ayon sa PhilMech, 1,200 na mga munisipalidad sa buong bansa ang tatanggap ngayon ng  isang pakete ng teknolohiya na maaari nilang gamitin sa paghahanda ng lupa at maging sa pag-aani at pagpapatuyo ng palay para maging bigas. Lahat ng 57 na probinsya na tinataniman ng bigas ay mabibiyayaan dapat ng mga makina at kagamitan sa ilalim ng programa. Ang mga kagamitan na ibibigay sa magsasaka ngayong taon na ito ay kasama ang mga traktora, mechanical transplanter ng binhi, combined harvester, rice dryer at maging rice mills.

Maiiwasan ang korapsyon sa pagbili ng mga kagamitang ito kung lahat ng mga bidding na gagawin ng PhilMech at DA ay sasalihan ng mga kinatawan ng mga grupo ng magsasaka at pribadong sektor gaya ng ginagawa ngayon sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte. Anumang bidding para sa anumang bi­nibili o ibinebenta ng pamahalaan ay mas magiging malinis kung may partisipasyon ang lahat ng kinauukulan, at hindi itinatago sa publiko gaya ng nangyari noong panahon ninaw GMA at PNoy.

Ang korapsyon ay nangyayari sa dilim o sa likod ng mata ng publiko. Walang saysay na magreklamo matapos itong mangyari dahil ninakaw na ang pondo ng bayan. Kasuhan man at makulong ang mga opisyal ay huli na, kaya ang tama ay matyagan at bantayan ang lahat ng kilos ng pamahalaan.  (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

139

Related posts

Leave a Comment