P5K KALTAS SA AYUDA, IBINALIK NA

PANDI, Bulacan – Nanindigan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na wala silang nakitang anumang katiwalian sa likod ng pamamahagi ng Livelihood Assistance Grants (LAG) sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Sa isang kalatas, nilinaw ng ahensya na ang kanilang direktiba ay hindi isang husgado ang kanilang departamentong ang maydato ay limitado lamang sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno.

Anila, wala silang nasilip na anomalya sa pamamahagi LAG. Gayunpaman, naglabas ang DSWD ng 12-pahinang Special Resolution kung saan inatasan ang Magic 7 Cooperative na ibalik sa 1,203 beneficiaries ang kinaltas na P5,000 mula sa natanggap na cash assistance para sa bayan ng Pandi

Tugon naman ng Magic 7 Cooperative, nasa 80% ng kinolektang bahagi ng LAG ang naibalik na sa mga benepisaryo. Ayon kay Nick Cabias, presidente ng Magic 7 Cooperative, umaabot na sa mahigit P4M ang nai-refund nila at pipilitin na makumpleto bago matapos ang taon o hanggang sa unang buwan ng next year 2022.

Paliwanag ni Cabias, kinokolekta pa nila iba pang salapi mula sa mga nag-loan na miyembro ng kooperatiba, kasabay ng giit na Nobyembre 11 lamang nila natanggap ang sipi ng nasabing special resolution na nagbibigay sa nasabing kooperatiba ng anim hanggang walong buwan para ganap na mai-turnover ang pondong tinutukoy ng nasabing kalatas.

Gayunpaman, sinabi ni Cabias na bago pa man lumabas ang nasabing resolusyon, inumpisahan na nila ang proseso ng refund noon pang buwan ng Oktubre.

“Isinoli na namin ang pera sa mga tao wala pa man ang order from the DSWD matapos ang series of investigations to show our sincerity na malinis ang intensyon namin at hindi namin batid ang aming pagkukulang,” ani Cabias.

“We will see to it na hindi na kami magkakamali sa pagtugon sa mga guidelines sakali kami ay pagkatiwalaan muli,” dagdag pa niya.

Paglilinaw din ni Cabias, walang kinalaman ang lokal na pamahalaan sa kanilang operasyon – at maging sa kanilang nagawang hakbang o pamamalakad sa kooperatiba.

Hindi din nila aniya pinuwersa ang sinuman na maging bahagi ng Magic 7 Cooperative. (ELOISA SILVERIO)

201

Related posts

Leave a Comment