TILA nabawasan ang optimismo ng mga indibidwal nang muli na namang magsara ng mga land border ang ilang mga bansa matapos ianunsyo na may panibago na namang variant ng COVID-19.
Nang ito ay madiskubre sa South Africa, may ilang mga bansa na ang nagsimulang magsara ng kanilang mga border upang mapigilan ang pagpasok ng bagong variant na tinawag na Omicron.
Datapwat marami ang ngayo’y takot dahil mas malakas umano ito, may mga eksperto naman ang nagsabing masyado pang maaga para sa mga haka-hakang ito. Sa ngayon ay hindi pa malinaw ang panuntunan hinggil dito.
Sa Pilipinas, ipinagbawal muli ang pagpasok ng mga international tourist ngunit dahil hindi naman ito total ban, hindi pa rin natin masisiguro na ang Pilipinas ay magiging ligtas sa bagong variant. Dapat ay gawin natin itong pagkakataon upang samantalahin ang vaccination program para sa ating kaligtasan.
Kung ating iisipin, ang estado ng pamumuhay natin ngayon ay dapat nating ipagpasalamat sa mga bakuna sapagkat patuloy nitong pinabababa ang average daily infection rate ng Pilipinas. Kung noo’y para tayong bilanggo sa ating mga tahanan, ngayon ay nakalalabas na tayo maski para sa mga hindi mahahalagang bagay.
Sa ngayon, ang bilang ng mga fully vaccinated na indibidwal ay nasa 37.3 milyon pa lamang. Marami pang bakuna ang kakailanganin upang makamit ang ating herd immunity target, kaya kailangan pa ng gobyerno na paigtingin ang kanilang programa sa pagbabakuna. Huwag na natin hintayin pa ang mga variant-specific na bakuna. Samantalahin natin kung ano ang mayroon.
Ngayong niluwagan na ng pamahalaan ang mga requirement at tinatanggap na rin naman ang walk-in applicants, marahil ay wala na ring idadahilan pa ang iba upang hindi ito samantalahin.
Dagdag pa, kailangan ng pamahalaan na maging agresibo para sa booster shots lalo na para sa mga nakatatanda at mga indibidwal na may comorbidity.
Napakalaking tulong din ang education at information campaign pati na ang kooperasyon ng pamahalaan, pribadong sektor, at ng mga indibidwal sa agresibong kampanya laban sa vaccine hesitancy lalo na para sa mga taong walang access sa impormasyon, tulad ng mga residente sa mga liblib na lugar.
Higit ding mahalaga ang papel na gagampanan ng mga politiko at mga kakandidato sa nalalapit na eleksyon para sa kampanyang ito. Huwag lamang tayong tumutok sa ating mga sariling hangarin at personal na interes, pagkat sa panahon ngayon, higit nang mahalaga na nakikita ng mga tao ang aksyon kumpara sa mga salita lamang.
Ang COVID-19 ay parte na ng ating pamumuhay, huwag na natin itong hintayin na mawala na parang bula. Gumawa tayo ng paraan para tayo ay makabangon, dahil bilang mamamayan, karapatan natin ang normal at mas matiwasay na pamumuhay.
161 