DAHIL sa pagsasailalim muli sa Alert Level 3 ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases, sa National Capital Region (NCR) ay ipinagbawal na muli ng Supreme Court (SC) ang personal filing ng mga litigant na mayroong nakasampang kaso sa SC.
Nakasaad sa Memorandum Order 1-2022 na pirmado ni SC Chief Justice Alexander Gesmundo na bawal muna ang mga initiatory pleading, ito ay dahil sa panibagong alert level na ipinalabas ng IATF, bunsod ng panibagong variant ng COVID-19 na Omicron.
Ang nakakapangamba kasi sa panibagong variant o Omicron, ay mas malakas diumano itong makahawa kaya nag-iingat na rin ang hudikatura na maging daan pa sa pagkalat ng virus dahil sa personal na pagtungo ng mga litigant sa Korte Suprema para ihain ang kanilang pleadings.
Gayunpaman, tatangapin pa rin naman ng SC ang pleadings, ito’y sa pamamagitan na lamang ng E-Filing o electronic filing alinsunod naman sa alituntunin ng Memorandum Order na inisyu ng SC noong Agosto, 4, 2021.
At dahil na rin sa panibagong Alert Level sa NCR ay nagkaroon din ng panibagong work arrangement sa mga empleyado ng SC, kung dati ay simula alas otso ng umaga ang pasok at magtatapos ng alas kuwatro y medya ng hapon ay ginawa na itong alas nueve ng umaga at magtatapos ng alas tres ng hapon simula sa January 6, 2022 hanggang January 15, 2022, at mananatili pa rin ang 100% na work arrangement ng mga empleyado na ang kalahati ay papasok ng Lunes, Martes, Miyerkoles at ang kalahati naman ay papasok ng Huwebes, Biyernes at Sabado at mayroong dalawang araw na work from home.(WFH).
Samantalang suspendido naman sa loob ng tatlong araw ang pasok ng hudikatura simula noong Lunes na magtatapos ngayong araw ng Miyerkoles, ito’y upang mabigyaang daan ang disinfection ng lahat ng mga tanggapan sa Supreme Court.
Ito’y makaraan namang lumabas sa report ng medical at dental services ng SC, na sa kanilang isinagawang antigen test noong Disyembre 27, 2021 ay marami sa mga empleyado ng SC ay nagpositibo sa COVID-19.
Kaugnay nito’y ipinatutuloy naman ng SC en Banc ang pagpapa-booster sa lahat ng mga empleyado na naka-eskedyul na noong January 3, 2022 at doon naman sa lahat ng mga papasok bukas o sa darating na January 6, 2022 ay kailangang makapagsumite o makapagpakita ng Negative Antigen Results Slip para sila’y papasukin.
Mananatili ang ipinalabas na kautusan ng SC en Banc hangga’t walang bagong kautusan na ipapalit dito.
252
