CALAMBA City – Pinangangambahan ang muling pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease sa rehiyon ng Calabarzon matapos maitala ang apat na kaso ng Omicron variant, base sa ulat ng Department of Health Region 4-A noong Huwebes.
Ayon sa ulat ng Philippine Genome Center, natukoy ang dalawang kaso ng Omicron variant sa lalawigan ng Cavite habang tag-isa sa Batangas at Rizal.
Inakyat na sa Alert Level 3 status ang lalawigan ng Laguna mula sa Enero 7 hanggang 15 upang mapigilan ang pagdami ng mga magkakasakit.
Samantala, bilang proteksyon sa mabagsik na virus, fully vaccinated na ang halos 7,697,750 indibidwal o 67 porsyento sa buong Calabarzon.
Ayon kay Dr. Voltaire Guadalupe ng DOH 4-A, mayroong 16.767 milyong doses na ng COVID-19 ang naipamahagi.
Umabot na sa 9,069,312 ang nabigyan ng first shot ng bakuna habang 1,371,562 indibidwal naman ang naghihintay para sa ikalawang shot ng bakuna.
Nananatili naman sa bilang na 2,383,468 ang mga indibidwal na wala pang bakuna. (CYRILL QUILO)
288 