NAKAKULONG na ang isang non-uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP) matapos madakip sa isinagawang anti-narcotics operation sa Barangay San Miguel, sa bayan ng Calabanga sa Camarines Sur.
Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Bicol PNP chief, P/BGen. Jonnel C. Estomo, isang PNP-NUP na hindi muna pinangalanan dahil sa isinasagawang follow-up operation, ang hinuli sa ikinasang buy-bust operation ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group,
Batay sa paunang ulat mula kay Police Lt. Mary Jean Cuevas ng PNP-IMEG, isang alyas Obet na nakatalaga sa Magarao Municipal Police Station, ang target ng ikinasang anti-drug operation. Sinasabing positibong itinuro ito ng iba pang drug suspects na nauna nang nahuli ng pulisya.
Nang dakpin ang suspek sa isinagawang operasyon ay nakumpiskahan ito ng apat na sachet ng umano’y shabu na tinatayang P47,500 ang halaga.
Nahaharap ang nasabing suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL)
209
