PATAY ang mag-ina matapos silang barilin ng kanilang padre de pamilya na isang pulis na nag-suicide matapos ang krimen sa Virac, Catanduanes.
Ayon kay P/Major Emsol I. Icawat, Assistant Police Community Affairs and Development-Public Information Office chief, natagpuang patay ang tatlo matapos ang pamamaril sa Barangay Hawan Ilaya, sa bayan ng Virac ng nasabing lalawigan pasado ala-una ng madaling araw nitong Enero 15, 2022.
Nabatid sa ulat ng Virac MPS, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa isang concerned citizen tungkol sa insidente ng pamamaril sa lugar. Kasama ang MDRRMO ng Virac ay agad nagresponde ang grupo sa bahay ng mag-anak kung saan inabutan ang mag-asawa na nakahandusay ay kapwa tigmak ng dugo.
Habang humihinga pa ang 3-anyos na paslit nang abutan ng mga awtoridad kaya agad isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon impormasyong ibinahagi ni P/Major Malou Calubaquib, taga pagsalita ng PNP-PRO5, galing sa isang inuman ang lalaki na kinilala bilang si “Jay”, 25-anyos, aktibong miyembro ng PNP, nang magkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan nito at ng kanyang asawa.
Sa gitna ng pagtatalo ay bumunot ng baril ang suspek at binaril sa ulo ang 28-anyos na asawang si “Joy” habang nakatalikod, na tumagos sa karga nitong paslit. Pagkaraan ay nagpatiwakal ang suspek gamit ang service firearm nito.
Isa sa mga motibong sinisilip ng mga imbestigador ang anggulong selos na sinasabing dahilan ng kanilang pagtatalo. Gayunpaman, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
Nakipag-ugnayan na ang Virac MPS sa Catanduanes Provincial Forensic Unit (Cat PFU) para sa pagpoproseso sa crime scene.
Nasa pangangalaga na ng PFU ang baril ng suspek na isasailalim sa ballistics examination. Narekober din ng grupo ang dalawang basyo ng bala ng kalibre 9mm na baril.
Ang mga labi ay isinailalim sa postmortem examination ng Virac Rural Health Unit. Ang mga ito ay pawang may isang tama ng bala sa ulo.
Samantala, ikinalungkot ng pamunuang ito ang nasabing insidente. Ipinaabot nila ang pakikiramay sa pamilya ng mga biktima.
Nagpaalala naman ang bagong talagang Provincial Director na si P/Col. Benjamin B. Balingbing Jr. na maging responsable sa paggamit ng baril.
Ilang interbensyon ang isasagawa ng pamunuan kaugnay ng insidente. (JESSE KABEL)
