(NI BERNARD TAGUINOD)
NANGANGANIB mapurnada ang malalaking proyekto na ipinagmamalaki ng Duterte administration na itatayo o ang kanyang build-build-build program kapag tuluyang hindi mapirmahan ang P3.757 Trillion 2019 national budget.
Ito ang ibinabala ni House deputy minority leader Anthony Bravo ng Coop-Natcco party-list sa press conference, lunes ng umaga sa Kamara, kaugnay sa national budgt na pinag-aawayan ngayon ng mga kongresista at senador dahil sa umano sa pork barrel.
“Malaki, maraming big ticket ang apektado dito,” ani Bravo dahil madedelay o hindi masisimulan ngayong taon ang mga proyekto kapag reenacted budget ang gagamitin ng gobyerno hanggang matapos ang taong 2019.
Kabilang umano sa mga big ticket o malalaking proyekto na hindi agad masisimulan o kaya matetengga ay ang mga Cebu bypass expressway, Mindanao development, train projects,subway at marami pang iba.
“So marami ho, maraming projects na apektado na nakasalalay sa 2019 national budget. Just think of it, the more than 400 billion pesos budget of Department of Public Works and Highways (DWPH), more than 50% cannot be implemented because we cannot approve the proposals of 2019 appropration bill,” anang mambabatas.
Bagama’t hindi mawawalan ng budget ang gobyerno ngayong taon dahil gagamitin nito ang 2018 national budget o reenacted budget, mayroon aniyang limitasyon ang paggamit sa pondong ito.
Tanging ang pondo para sa mga ginagawang proyekto ang patuloy na napopondohan sa isang reenacted budget at dahil walang batas para pondohan ang mga bagong proyekto ay maisasantabi umano ang mga big ticket na nakalinya ngayong 2019.
Dahil dito, sinabi ng mambabatas na kailangan umanong magkasundo na ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa 2019 nationall budget kung nais ng mga ito na matuloy ang mga proyektong ito na kailangan ng bansa sa pag-unlad.
150