SALAMAT sa Diyos at humuhupa na ang pandemya sa COVID-19, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa maliban sa China at Hong Kong na punong-puno pa rin ang kanilang quarantine facilities.
Niluluwagan na rin sa Pinas ang health protocols at sa katunayan ay pinag-uusapan na ilagay na sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR) na siyang sentro ng pandemya mula noong 2020.
Pakonti nang pakonti na rin ang nagkakasakit at pabawas na rin nang pabawas ang active cases na isang indikasyon na pahupa na ang pandemya sa ating bansa pero kailangan pa rin ang pag-iingat sa hanay nating mamamayan.
Lumuluwag na ang mga pagamutan hindi tulad noon na walang paglalagyan sa mga tao dahil sa dami ng nagkakasakit sa virus na unang kumalat sa Wuhan, China at tinangkang itago sa mundo.
Dahil diyan, dapat na rin sigurong i-relax ng mga hospital ang kanilang napakahigpit na health protocols upang hindi na matakot ang mga tao na magpa-check-up at mabawasan na rin ang kanilang gastusin.
Noong huling bahagi ng nagdaang taon, may dinala na bata sa ER ng isang pribadong pagamutan sa Quezon City dahil inuubo na ng ilang araw. Emergency naturingan pero hindi agad inaasikaso at pinaghintay kami nang matagal sa labas ng ER.
Noong may lumabas na nurse, in-interview nang matagal ang kasama ng bata at dahil ubo ang idinudulog naming sakit ng bata, idineklara agad ng nurse na COVID-19 suspect na raw siya.
Bago nila asikasuhin ang bata, dapat daw bayaran muna ang 4 na personal protective equipment (PPE) na gagamitin ng nurse at doctor para i-check ang bata. Anim (6) ang gagamitin na PPE at dalawa lang ang sagot ng Philhealth.
Nagkakahalaga ng P2,500 ang bawat PPE kaya kailangang bayaran muna ang apat na PPE ng P10,000. PPE pa lamang iyan ha hindi pa kasama ang bayad sa hospital at doctor.
Ang masaklap, agad na ilalagay ang bata sa COVID-19 tent kaya sinabihan ang nurse na “hindi ba puwedeng i-swab muna ang bata bago ilagay sa COVID-19 tent? Hindi raw, kasi ‘yun daw ang protocol.
Hindi pumayag ang kasama ng bata kaya idineretso na ito sa isang private clinic ang bata para ipa-swab test at lumabas na negative siya sa COVID-19, kaya kung pumayag na ilagay siya sa COVID-19 tent, baka nahawa na rin siya dahil may ibang mga pasyente roon na kasama niya.
Mantakin n’yo, dahil sa ganitong protocol ng mga hospital muntik pang mapahamak ang bata at ang masakit doon na kinatatakutan ng mga tao kaya ayaw magpa-check-up sa mga hospital, ay dahil sa napakalaking gagagastusin nila sa PPE.
Parang diring-diri din ang hospital staff sa mga pasyente kahit wala pa silang ginagawang aksyon para patunayan na ang mga dinadala sa ER ay positibo sa COVID-19 o hindi.
Siguro dapat na ring atasan ng Department of Health (DOH) ang hospital na medyo luwagan na ang kanilang protocols para mabawasan na ang gastos ng mga pasyente at mawala na ang takot ng marami na magpa-check-up.
223 