PARA sa Philippine Olympic Committee, walang makapipigil kay Pilipino pole vault Olympian Ernest John “EJ” Obiena na katawanin muli ang bansa sa darating na 31st Southeast Asian Games, may endorso man o wala ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Ang tuwing ikalawang taong kompetisyon, na huling idinaos dito mismo sa bansa noong 2019 kung kailan muling naging pangkalahatang kampeon ang Pilipinas, ay nakatakdang ganapin sa ika -12 -23 ng Mayo sa Hanoi, Vietnam. At kumpiyansa si POC president, Abraham “Bambol” Tolentino na malakas ang argumento ng kanilang Board kung bakit dapat makasama si Obiena sa 31st SEAG.
Sumulat mismo ang POC sa SEA Games Organizing Committee makaraang hindi iendorso ng PATAFA ang No. 1 Pinoy pole vaulter, na panlima sa pinakamagagaling sa mundo at kaisa-isang Asyano sa naturang sport sa XXXII Olympic Games sa Tokyo. Isa sa basehan ng POC ang Article 27 ng Charter ng International Olympic Committee, na nagbibigay pagkakataon sa lahat ng atletang may angking galing at talento na mag-compete sa pahintulot ng IOC, ang pinakamataas na sports governing body.
Sa liham naman ni EJ sa PATAFA, idinetalye niya kung bakit nararapat siyang iendorso ng national athletics association sa world meet sa Oregon, SEA Games at Asian Games sa China at pawang magaganap ngayong taon. “My 5.81m jump in my two title wins in the Orlen Cup (Feb. 13) and the Orlen Copernicus Cup (Feb. 23) both in Poland officially made the standard required for the 2022 World Indoor Athletics Championship and 2022 World Athletics Championship. It is also better than my 2019 SEA Games gold medal standard and the 2018 Asian Games Gold medal standard.”
Tanging depensa ng PATAFA kung bakit hindi nila maibibigay ang kanilang basbas kay Obiena ay, “hindi pa tapos ang Philippine Sports Commission mediation.”
Naalala tuloy ng kolumnistang ito ang nangyari noong 1984, nang ang Pilipinas ay napiling maging host ng ASEAN Cup of Athletics, noong ang pangulo ng PATAFA at POC at Executive Director pa ng Project Gintong Alay ay si Michael Keon, pamangkin ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Bilang Executive Director ng Project Gintong Alay, si Keon din ang nagtayo at namahala ng National T&F Training Camp sa Baguio City kung saan may 40 atletang nagsasanay noon para sa kampeonato ng ASEAN Cup. Isa sa mga kasamang atleta si Lydia de Vega, na dalawang taon pa lamang ang nakalilipas ay naging kauna-unahang atletang babae na nagkamit ng back-to-back Asian Games Sprint Queen title, kaya paboritong magwagi ng hindi lamang isa o dalawang gintong medalya kundi lima – 100 metro, 200 metro, 400 metro at 4×100 at 4×400 metro relay.
Si Francisco “Tatang” de Vega, ama at personal coach ni Diay, ay gustong manatili sa camp upang makatulong sa training ng anak na noon ay 17 anyos pa lamang. Hindi ito pinayagan ni Keon, kaya’t pinullout si Diay sa camp at pinauwi sa Meycauayan, Bulacan ng kanyang ama. Dahil dito, tinanggal ni Keon si Diay sa listahan ng national training pool, gaya nang ginawa ng PATAFA kay EJ.
Nagtagal ng ilang taon ang gusot sa pagitan ni Diay at ng Gintong Alay hanggang nakarating ito sa panganay na anak nina Pres. Marcos at First Lady Imelda Romualdez-Marcos na si Imee, na inatasan si noo’y Surigao Gov. Jose Sering, chair ng PATAFA at GA executive director.
Noong una ay panig si Sering kay Keon dahil para madisiplina umano ang isang atletang nasa ilalim ng kanilang pamamahala. Subalit sa bandang huli ay nanaig ang interes at kapakanan ng bansa, kaya ibinalik si Diay bilang miyembro ng pambansang koponan.
Makaraan ang dalawang araw ng ASEAN Cup, nakamit ng bansa ang itinuring noon na pinakamatagumpay sa kasaysayan ng kompetisyon, bagama’t ang pangkalahatang kampeonato ay napagpasiyahan lamang sa huling dalawang event – 4×100 at 4×400 relay na pinangunahan ni Lydia para sa gintong medalya. Bukod pa rito ang kambal na ginto niya sa 100m at 200m dash.
Makaraan pa ang ilang araw, si Keon ay nagbitiw bilang pangulo ng POC, PATAFA at bilang Executive Director ng Project Gintong Alay.
