NANGHIHINAYANG SA PAKINABANG

HINDI sapat ang salitang sukdulan para ilarawan ang kinasasadlakan ng mga pobreng mamamayan. Pagkatapos hambalusin ng pandemya, dinadagukan naman ng oil price hike na walang palya.

Ang lahat umaaray, maliban sa mga nasa pwestong nakaririwasa ang pamumuhay. Bakit nga naman sila makikigulo kung ‘di naman nila ramdam ang epekto. ‘Yan mismo ang ipinamamalas ng Pangulo sa kanyang patuloy na pagdedma sa panawagang maglabas siya ng isang direktiba.

Mandato ng isang pangulo ang protektahan ang interes ng mga Pilipino. Bilang punong ehekutibo, saklaw ng kanyang poder ang paglalabas ng isang executive order para sa pansamantalang suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Tama, pansamantala lang naman sa hangaring maibsan maski papaano ang pahirap sa mamamayang Pilipino.

Maliban kay Finance Secretary Carlos Dominguez, maging ang kanyang mga kaalyado sa gabinete at ­kongreso, kumbinsidong dapat nang kumilos ang Palasyo. Paano? Isang lagda lang ng Pangulo, sapat na para patunayan ang kanyang pangakong malasakit sa mamamayang Pilipino.

Subalit taliwas sa inaasahan ng sambayanan sa isang Pangulong makabayan, ang lumalawig na panawagan ay tila dedma lang. Dangan naman kasi, nanghihinayang ang gobyerno sa P118 bilyong buwis na mawawala sa kanilang pondo.

Hindi rin naman makakilos ang Development ­Budget Coordination Committee (DBCC) na naghihintay ng hudyat ng Palasyo bago magpatawag ng pulong para sa angkop na pagbabalangkas ng rekomendasyon sa Pangulo.

Ang totoo, maski ang DBCC ay may kalakip na kapangyarihang magsuspinde ng umiiral na excise tax sa mga produktong petrolyo. Pasok sa mga probis­yong ­kalakip ng Republic Act 10963 (Tax Reform for ­Acceleration and Inclusion (TRAIN) ang mandatong suspendihin ang excise tax kapag sobrang taas na ang halaga ng krudo sa world market.

Bukod sa suspensyon ng karampatang buwis sa mga produktong petrolyo, bahagi rin ng TRAIN law ang isang probisyong nagbibigay ng kapangyarihan sa DBCC na magpalabas ng iba pang solusyon tulad ng 10% diskwento sa mga pangunahing bilihin sa merkado.

Wala tayong maaasahan sa Palasyo at Kongreso. ­Nagpapakiramdaman pa ang dalawang sangay ng ­gobyerno.

Ayon sa Palasyo, hindi saklaw ng ehekutibo ang pag-amyenda ng batas. Sa panig naman ng Kongreso, kailangan ng basbas ng Pangulo sa isang special session para talakayin ang panukalang excise tax suspension sa mga produktong petrolyo na ayon mismo sa mga eksperto ay posibleng sumipa sa P100 kada litro sa susunod na mga linggo.

Paano na ngayon ang bayan ko kung ganyan ang asal ng mga nasa gobyerno?

139

Related posts

Leave a Comment