NADAKIP ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit-NCR ang isang nagpakilalang partisano ng Communist Party of the Philippine-New People’s Army Special Tactics Faction, na responsable sa multi-million extortion racket sa private schools sa kalakhang Maynila.
Sa report na isinumite ni CIDG-RFU-NCR Director Police Col. Randy Silvio kay PNP-CIDG chief, Police Maj. General Eliseo Cruz, kinilala ang nadakip na si Jake Castro y Dedumo, 26, isang teacher ng Jesus Cares Christian Academy, at residente ng Brgy. Zapote, Las Piñas City.
Target naman ng manhunt operation ang isa pang sinasabing kasamahan nito sa extortion activities na bumibiktima ng mga paaralan sa NCR, na si Dexter O. Gregorio, 42, Tax and Legal Manager ng Sison Corillo Parone & Co., at naninirahan sa San Pedro, Laguna.
Ayon kay General Eliseo Cruz, inilunsad ng grupo ni Col. Silvio ang kanilang NCR-CIDG Flagship Project “OPLAN OLEA” and Salikop laban sa mga suspek matapos makatanggap ng sumbong mula sa isang private school na hinihinalang pinakahuling biktima ng mga suspek matapos hingian sila ng P2 million.
Kung hindi umano magbibigay ng hinihinging halaga ay pasasabugin ang paaralan at pagbabarilin ang mga estudyante.
Bandang alas-5:50 ng hapon noong Biyernes ay nadakip ang suspek sa #153 KCI, Santos Drive, Vergara Compound, Brgy. Zapote, Las Piñas City matapos sundan ng mga tauhan ni Col. Silvio katuwang ang mga operatiba ng CIDG- RFU NCR (Lead unit); Southern DFU; DID, MPD; DID, QCPD; DID, SPD; at RID, NCRPO ang isang pulis na nagpanggap na Lalamove driver na siyang naghatid ng pera.
Ikinasa ang police operation ng CIDG-RFU-NCR makaraang magsumbong si Maura Merida, principal ng Sto. Niño Parochial School (SNPS) sa Ilocos Sur St., Bago Bantay, Quezon City na nakatanggap sila ng electronic mail mula sa gmail account ng Special Tactics Faction ng New People’s Army na humihingi ng P2,000,000.
Sa report mula RID, NCRPO, nabatid na may 26 schools sa Metro Manila ang nakatanggap din ng mga ganitong pagbabanta at pangingikil. (JESSE KABEL)
