MANINDIGAN PARA SA MALINIS AT MAAYOS NA HALALAN

HABANG isinusulat ang kolum na ito ay kasalukuyang ginaga­nap na ang halalan sa buong bansa kung saan nakataya ang iba’t ibang posisyon mula sa pangulo, pangalawang-pangulo, mga senador, mga kongresista, gobernador, mayor at mga konsehal ng iba’t ibang bayan at lungsod.

Base sa inisyal na mga ulat at iba’t ibang exit polls at gaya ng inaasahan ay nangunguna si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos laban sa kanyang mga katunggali.

Subalit nakakaalarma rin sapagkat maraming mga lugar ang nagkakaroon ng problema sa mga depektibong vote-counting machines at sa ibang lugar naman particular sa Mindanao ay nagkakagulo at may hindi kumpirmadong report ng patayan.

Sa Maguindanao, tatlong tauhan ni Mayor Bai Mariam Mangudadatu ang pinagbabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang mga salarin.

Samantala, sa Lanao del Sur ay may mga ulat din ng pang-­aagaw ng mga balota at panununog ng ballot boxes.

Sa madaling salita ay talagang may mga grupo at elemento na gustong makialam at impluwensiyahan ang resulta ng eleksyon kaya naman mahalaga na maging mapagmatyag at mapagbantay ang mamamayan.

Ang halalang ito ay isa sa napakahalaga sa kasaysayan kaya dapat ang totoong kagustuhan ng mamamayan ang masunod kung hindi ay maaaring magkagulo at malublob sa patuloy na kahirapan at kaguluhan ang bansa.

***

Samantala, binatikos ng National Press Club ang pagsasampa ng kasong cyber libel ng spokesman ni Leni Robredo na si Barry Gutierrez laban sa Journal Group dahil sa isang artikulo na nag-uugnay sa kanilang kampo sa mga teroristang NPA na pinamumunuan ni Joma Sison.

Bukod kasi sa nagpapakita ito ng tahasang panggigipit sa malayang pamamahayag ay isinama pa sa reklamo ang matagal nang namayapang editor-in-chief ng pahayagan na si Tata Gus Villanueva.

Ikinabahala rin ng NPC na pinamumunuan ni Lydia Bueno ang pangyayaring ito na maaaring maging palatandaan ng hindi magandang pagtrato sa media ng administrasyong Robredo sakaling magwagi ngayong halalan.

Bagama’t tiyak naman na hindi mananalo si Leni ay isa pa rin itong senyales ng desperasyon ng kanilang kampo na sikilin at pigilan ang mga mamamahayag na hindi sumusunod sa gusto nila.

Nasanay na kasi sina Leni na kakampi ang mga nasa mainstream at online media gaya ng PDI, ABS-CBN, Rappler at maging ang FB at Twitter na pawang promotor ng fake news at pagbibigay ng lahat ng pabor sa kanyang kandidatura.

Kaya naman galit na galit sila kapag may ilang mga pahayagan at grupo na sumusulat ng hindi pabor sa kanila at ang ipinanakot nila kaagad ay pagsasampa ng libel.

Sa panig ng pangulo ng NPC na si Ms. Lydia Bueno ay sinabi niya na bagama’t may karapatan ang bawat isa na maglabas ng hinanakit sa hukuman, ang ginawa ni Gutierrez ay maaaring maituring na pagsagka sa kalayaan ng mga mamamahayag na pumuna at maglabas ng negatibong balita,” ayon pa sa unang babaeng pangulo ng NPC.

Sa gitna nito, iginiit ni Bueno na ipaubaya na lang sa hukuman ang pagpapasya sa merito ng kaso at magpatuloy lang ang mga mamamahayag sa pagtupad ng kanilang sinumpaang tungkulin na maging responsable at propesyunal, lalo na sa panahon ngayon ng halalan.

Nanawagan din si Bueno ng mahigpit na pagkakaisa at pagiging mapagbantay sa pagsusulong ng kalayaan ng media at pamamahayag na itinatadhana mismo ng Konstitusyong 1987.

Kasabay nito ang pakikipaglaban sa anomang anyo ng pagsupil at pang-aabuso sa kalayaan sa pamamahayag ng mga balat-sibuyas na mga kandidato at opisyal ng pamahalaan.

123

Related posts

Leave a Comment