PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
Sa tuwing nababanggit ang Bureau of Customs (BOC), karaniwang pumapasok sa isip ng marami ang mga nakukumpiskang kontrabando, malalaking koleksiyon ng buwis, at mga operasyong laban sa smuggling.
Ngunit sa likod ng mga numerong ito ay isang mas malaking larawan—ang uri ng pamamahalang isinusulong ng ahensiya at kung paano nito pinoprotektahan hindi lamang ang ekonomiya kundi maging ang mga taong nagsisilbi rito at ang pondong pag-aari ng sambayanan.
Nitong mga nagdaang linggo, tatlong magkakaugnay na hakbang ng Bureau of Customs sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang nagpapakita ng direksyong tinatahak ng ahensiya: pag-aalaga sa kapakanan ng mga kawani, pagpapalakas ng kampanya laban sa ilegal na droga, at pagtiyak na ang mga nakukumpiskang ari-arian ay nagiging kapaki-pakinabang para sa bayan.
Bagama’t magkakaibang usapin ang mga ito, iisa ang mensaheng ipinahahatid—ang isang epektibong institusyon ay hindi lamang marunong magpatupad ng batas kundi marunong ding magmalasakit at managot.
***
Unahin natin ang pinakamahalagang yaman ng anomang organisasyon—ang mga tao.
Sa pamamagitan ng kasunduang nilagdaan ng Bureau of Customs at Philippine-Chinese Charitable Association, Inc. (PCCAI), nabuksan ang mas malawak na access ng mga kawani ng Customs sa serbisyong medikal ng Chinese General Hospital and Medical Center.
Sa unang tingin, maaaring ordinaryong memorandum of agreement lamang ito. Ngunit kung susuriing mabuti, malaki ang kahalagahan nito sa mga empleyadong araw-araw na humaharap sa matitinding hamon ng kanilang trabaho.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na patuloy na tumataas ang gastusin sa pagpapagamot. Para sa isang ordinaryong empleyado, ang simpleng laboratory test, X-ray, o ilang araw na pananatili sa ospital ay maaaring maging mabigat na pasanin sa pamilya.
Kaya naman ang pagbibigay ng diskwento sa hospitalization, diagnostic procedures, at outpatient services ay hindi simpleng benepisyo lamang. Ito ay konkretong pagpapakita ng malasakit.
Sa katunayan, madalas nating hinihingi sa mga kawani ng gobyerno ang mahusay, mabilis, at tapat na serbisyo. Ngunit bihira nating itanong kung sapat ba ang suportang natatanggap nila upang magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin.
Tama ang obserbasyon ni Deputy Commissioner Raul Nagrampa nang sabihin niyang may responsibilidad ang pamunuan hindi lamang na humingi ng kahusayan mula sa mga tauhan kundi tiyaking sila rin ay naaalagaan. Ang isang malusog na manggagawa ay mas produktibo, mas nakapokus, at mas handang magsilbi sa publiko.
Subali’t habang pinalalakas ang kapakanan ng mga kawani, hindi naman humihina ang kamay ng ahensiya laban sa mga lumalabag sa batas.
***
Isa sa pinakamalalaking banta sa bansa ngayon ay ang patuloy na pagtatangkang magpasok ng ilegal na droga gamit ang mga parcel at cargo shipment mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Dahil sa paglago ng online commerce at international courier services, nagiging mas malikhaing paraan ng mga sindikato ang pagtatago ng kontrabando sa mga ordinaryong produkto.
Ngunit ipinakita ng Bureau of Customs-NAIA na kaya nitong sumabay sa mga bagong taktika ng mga kriminal.
Sa isang operasyon sa Pasay City, naharang ng mga awtoridad ang 14 na abandonado at nakumpiskang parcel na naglalaman ng mahigit P56 milyong halaga ng shabu, kush, marijuana vape cartridges, at opium poppy. Ang mga ito ay nakatago sa mga water filter, speaker, at maging sa mga pagkain upang makalusot sa inspeksiyon.
Hindi ito simpleng usapin ng pagkakahuli ng kontrabando.
Sa bawat pakete ng droga na nahaharang, may mga buhay na naililigtas. May mga kabataang hindi malululong. May mga pamilyang hindi masisira. May mga komunidad na hindi madaragdagan ng krimen at karahasang kadalasang kaakibat ng ilegal na droga.
Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang mensahe ni Commissioner Nepomuceno sa mga sindikatong patuloy na sumusubok sa kakayahan ng gobyerno. Malinaw ang kanyang babala: hindi uurong ang Customs sa laban kontra droga at patuloy nitong palalakasin ang monitoring at inspection systems katuwang ang iba pang law enforcement agencies.
Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay na ang border protection ay hindi lamang tungkol sa mga produkto at buwis.
Ito ay usapin ng pambansang seguridad at kaligtasan ng bawat Pilipino.
***
Ngunit may isa pang mahalagang aspeto ng trabaho ng Customs na madalas hindi nabibigyan ng sapat na pansin.
Kapag nakumpiska ang mga sasakyan, kagamitan, at iba pang ari-ariang sangkot sa paglabag sa batas, ano ang susunod na mangyayari rito?
Sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan, malinaw ang sagot: hindi dapat masayang ang mga ito.
Mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, umabot sa P329.934 milyon ang nalikom ng Bureau of Customs mula sa auction at negotiated sale ng iba’t ibang seized at forfeited goods. Kabilang dito ang mahigit P114 milyon mula sa pagbebenta ng 13 sasakyang na-forfeit pabor sa gobyerno.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
104 