PAGPAPALAKAS NG KAKAYAHAN SA NUCLEAR ENERGY SA PILIPINAS. Ayon kay Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho, ang pagpapalakas ng kakayahan (capability‑building) ay isang pangunahing haligi ng programang Nuclear Energy Strategic Transition (NEST), na makatutulong upang matiyak ang kahandaan ng kumpanya at ng bansa sa ligtas, maayos, at responsableng integrasyon ng nuclear power sa pambansang energy portfolio.
Habang patuloy na naghahanap ang Pilipinas ng mga bagong mapagkukunan ng enerhiya, unti-unting nagkakaroon ng mahalagang papel ang nuclear energy bilang isa sa mga posibleng solusyon na makakapagbigay ng maaasahan at low-carbon na suplay ng kuryente.
Sa ilalim ng Philippine Energy Plan, target ng pamahalaan na makapagpatayo ng hanggang 1,200 megawatts na planta na gumagamit ng nuclear power pagsapit ng 2032. Sinusuportahan ito ng pagpasa ng Republic Act No. 12305 o Philippine National Nuclear Energy Safety Act noong Setyembre 2025, gayundin ang pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya tulad ng small modular reactors (SMRs).
Para sa Manila Electric Company (Meralco), ang paghahanda para sa nuclear energy ay hindi lamang tungkol sa pagtatayo ng mga pasilidad kundi pati na din sa maagang paglalatag ng pundasyon na titiyak na handa ang bansa sa ligtas at responsableng paggamit ng teknolohiyang ito sa hinaharap.
Higit pa sa teknolohiya
Noong 2025, inilunsad ng Meralco ang Nuclear Energy Strategic Transition (NEST) Program, ang pangunahing inisyatiba ng kumpanya para sa paghahanda sa posibleng paggamit ng nuclear energy.
Nakatuon ang NEST sa tatlong pangunahing aspeto: ang posibilidad na rehabilitasyon ng Bataan Nuclear Power Plant, pagsusuri sa pagtatayo ng bagong utility-scale nuclear facility, at pag-aaral sa potensyal ng SMRs bilang bahagi ng energy mix ng bansa.
Ngunit para sa Meralco, hindi sapat ang pag-aaral sa teknolohiya lamang. Kasama rin sa programa nito ang pakikipagtulungan sa mga internasyonal na institusyon, pagpapalakas ng mga kinakailangang polisiya at regulasyon, at higit sa lahat, ang paglinang ng mga Pilipinong eksperto na magiging bahagi ng susunod na henerasyon ng nuclear professionals sa bansa.
Ayon kay Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho, mahalagang bahagi ng NEST ang pagpapaunlad ng kakayahan ng mga tao.
“Hindi lamang teknolohiya ang kailangan upang maging matagumpay ang isang nuclear program. Kailangan din natin ng mga taong may sapat na kaalaman at kakayahan upang matiyak ang ligtas at responsableng pagpapatakbo nito,” ani Aperocho.
PAGHUBOG NG TALENTO SA NUCLEAR ENERGY. Opisyal na ipinakilala ng Manila Electric Company (Meralco) ang unang batch ng mga iskolar sa ilalim ng programang Filipino Scholars and Interns on Nuclear Engineering (FISSION) ng Meralco Power Academy noong 2024. Makikita sa larawan (mula kaliwa): Meralco Senior Vice President at Chief Human Resources Officer at Head Edgardo V. Carasig; Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho; mga FISSION scholar na sina Gener Atienza at Kenneth Tulagan; Meralco Chairman at Chief Executive Officer Manuel V. Pangilinan; mga FISSION scholar na sina Amiela Nicodemus, Justin Salas, at Marc Ceria; Meralco First Vice President at Head of Networks Froilan J. Savet; at Meralco PowerGen Corporation President at Chief Executive Officer Emmanuel V. Rubio.
Pamumuhunan sa talento ng mga Pilipino
Bago pa man ilunsad ang NEST, sinimulan na ng Meralco ang paghahanda ng mga eksperto sa pamamagitan ng Filipino Scholars and Interns on Nuclear Engineering o FISSION Program ng Meralco Power Academy noong 2023.
Layunin ng programang ito na mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong inhinyero at propesyonal na makapag-aral at magsanay sa ilan sa mga nangungunang institusyon sa mundo para sa nuclear engineering.
Sa kasalukuyan, may 12 iskolar na ang naipadala sa Estados Unidos, Canada, China, France, at South Korea para sumailalim sa espesyal na pag-aaral at pagsasanay.
Isa sa pinakamahalagang tagumpay ng programa ay ang pagtatapos ng unang dalawang FISSION scholars na sina Amiela Nicodemus at Gener Atienza sa kanilang Master’s-level Nuclear Engineering studies sa University of Illinois Urbana-Champaign sa Estados Unidos—isa sa mga nangungunang unibersidad sa larangan ng nuclear engineering.
Matapos ang kanilang pag-aaral, sasailalim sila sa isang taong industry immersion program bago bumalik sa Pilipinas sa 2027.
Para kay Aperocho, mahalagang hakbang ito sa paghahanda ng bansa para sa posibleng paggamit ng nuclear energy sa hinaharap.
“Ang pagtatapos ng unang batch ng FISSION scholars ay isang mahalagang hakbang sa aming pangmatagalang paghahanda para sa nuclear energy. Sa kanilang pagbabalik, makakatulong sila hindi lamang sa NEST Program ng Meralco kundi pati sa mas malawak na layunin ng bansa na mapaunlad ang sektor ng nuclear energy,” aniya.
ISANG MAHALAGANG HAKBANG PARA SA NUCLEAR ENERGY NG PILIPINAS. Natapos ng unang dalawang iskolar ng programang FISSION na sina Amiela Nicodemus (ikalawa mula sa kanan) at Gener Atienza (pinakadulo sa harap, kanan) ang kanilang Master’s degree sa Nuclear Engineering sa University of Illinois Urbana‑Champaign (UIUC), isa sa mga nangungunang institusyon sa larangang ito sa buong mundo.
Bagong henerasyon ng mga nuclear engineer
Nagtapos ng Electrical Engineering sa Bulacan State University noong 2017 si Nicodemus, isa sa mga unang iskolar ng FISSION.
Matapos sumali sa Meralco bilang bahagi ng Networks Cadet Engineering Program, naging distribution engineer siya bago nagpasyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa nuclear engineering.
Para kay Nicodemus, may mahalagang papel ang nuclear energy sa hinaharap ng Pilipinas. “Naniniwala akong makakatulong ang nuclear energy sa pagbibigay ng matatag at maaasahang suplay ng kuryente habang sinusuportahan ang paglipat ng bansa sa mas malinis na pinagkukunan ng enerhiya,” aniya.
Dagdag pa niya, mahalaga rin ang patuloy na paghubog ng mga eksperto sa iba’t ibang larangan ng nuclear energy.
“Ang pagtatayo ng nuclear industry sa bansa ay nangangailangan ng kaalaman sa engineering, operasyon, regulasyon, at kaligtasan. Hindi ito nabubuo agad-agad kaya mahalaga ang mga programang tulad ng FISSION,” sabi niya.
BAGONG HENERASYON NG MGA NUCLEAR ENGINEER. Si FISSION scholar Amiela Nicodemus, na nagtapos ng Master’s degree sa Nuclear Engineering sa University of Illinois Urbana‑Champaign (UIUC), ay may partikular na interes sa reactor safety, risk assessment, at reactor operations.
Sama-samang paghahanda para sa hinaharap
Ayon sa Meralco, hindi kayang tugunan ng isang programa lamang ang pangangailangan ng bansa para sa mga eksperto sa nuclear energy.
Kinakailangan ang pagtutulungan ng pamahalaan, akademya, industriya, mga regulator, at mga internasyonal na partner upang makabuo ng sapat na bilang ng mga propesyonal na susuporta sa sektor.
“Magandang simula ang FISSION, ngunit kakailanganin natin ng mas malawak na pakikipagtulungan upang matugunan ang pangangailangan ng bansa sa mga susunod na taon,” ani Aperocho.
Bagama’t matagal pa bago tuluyang maging bahagi ng energy mix ng bansa ang nuclear power, naniniwala ang Meralco na kailangang magsimula na ang paghahanda ngayon.
Sa pamamagitan ng NEST at FISSION, patuloy itong namumuhunan sa mga tao, kaalaman, at pakikipagtulungan na makakatulong sa pagtataguyod ng ligtas, maaasahan, at napapanatiling enerhiya para sa mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
120 


