LABIS-LABIS ang aking kaligayahan noong pormal na binuksan ang OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga noong nakaraan Mayo 1 taong kasalukuyan. Ito kasi ang isa sa aking pangarap at bandang huli ay naging aking adbokasiya.
Bagaman, naisakatuparan na ang pagkakaroon ng unang OFW Hospital, ay naniniwala ako na sa bagong administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong”Marcos, ay maisasakatuparan naman ang pagkakaroon ng OFW hospital ward sa lahat ng regional at provincial hospital sa buong Pilipinas.
Matapos ang inauguration ng OFW Hospital noong nakaraang Mayo 1 taong kasalukuyan, ay nagsimula na rin ang pagdagsa ng mga OFW para magpagamot sa nasabing ospital. Ayon kay Director Jecelyn Hapal ng OWWA, na siyang nangangasiwa para sa pagsasagawa ng operation flow, ay nagmumula pa sa iba’t ibang rehiyon ang mga pasyente na nagtungo rito.
Nitong nakaraang Miyerkoles sa aming programa ni BGen. Gerry Zamudio na Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran Pilipinas (UP, UP Pilipinas) ay binanggit ni Director Hapal na kung maaari ay huwag munang magtungo sa nasabing ospital sa Pampanga ang mga OFW na nagmumula sa malalayong rehiyon dahil sa kasalukuyan ay tanging Out-Patient Examination pa lamang ang kayang ipagkaloob ng ospital.
Ayon kay Dir. Hapal, hindi pa natatapos ang mga ward room, operating room at iba pang mga departamento para makapagsimulang tumanggap para sa confinement at operasyon. Kasalukuyan pa rin kasing isinasaayos ang mga departamento nito at kulang pa sa mga kagamitan para tuluyang makapagserbisyo sa mga pasyenteng OFW at pamilyang OFW.
Gayunpaman, ibinalita ni Director Hapal na sa oras na tuluyang mag-“full operation” ang OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga ay maaaring magpagamot ang lahat ng OFW at maging ang kanilang pamilya o benepisaryo. Bukod sa libreng konsultasyon ay libre din ang mga laboratory examination at maging ang mga x-ray.
Lahat ng OFW, ano mang edad at kahit ano pa man ang estado ng kanilang OWWA membership, kung active o inactive, maging ang mga undocumented na OFW ay maaaring magpagamot dito.
Bukod sa mga OFW ay maaari ding magpagamot sa OFW Hospital ang legal na asawa ng OFW, mga anak na wala pa sa hustong gulang, magulang ng OFW na umaasa lamang sa kanilang anak na OFW, at maging ang kapatid ng OFW na hindi pa kasal o walang asawa.
Sa kasalukuyan ay libreng konsultasyon pa lamang ang nagagawa sa OFW Hospital na ginaganap tuwing Lunes hanggang Biyernes simula ika-8:00 ng umaga hanggang ika-3:00 ng hapon.
Hinihikayat ni Dir. Hapal na magrehistro muna para sa online appointment sa https://appointment.ofwhospital.owwa.gov.ph.
Kinakailangan lamang magdala ng kanilang valid ID na magagamit ng OWWA sa pagberipika ng records kung talagang sila ay isang OFW o pamilya ng OFW.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com
