BISTADOR Ni RUDY SIM
BAGAMAT inamin kamakailan ni outgoing President Rodrigo Duterte na hindi nito natupad ang lahat ng kanyang ipinangakong pagbabago sa pamahalaan sa loob ng anim na taon ay malaki naman ang kanyang naging accomplishments laban kontra iligal na droga at ang pagkakasugpo sa raket ng ilang tauhan sa airport kaugnay sa tanim-bala na namayagpag sa panahon ni Noynoy Aquino at naging perwisyo sa ating mga kababayang biyahero.
Kada araw halos ay nakababasa tayo sa social media ng iba’t ibang hinaing ng ating mga kababayang nagnais sumubok na umalis ng ating bansa upang kanilang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga mahal sa buhay at ilan naman ay nais samantalahin ang pagluwag ng alert level na nais magliwaliw sa ibang bansa upang mapawi ang stress na naranasan sa pandemya ngunit karamihan dito ay hindi pinalad makaalis dahil sa iba’t ibang alituntunin na ipinatutupad ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI), sa ating mga paliparan.
Naintindihan natin ang sama ng loob ng ating mga kababayan na patuloy na nakararanas ng “offload” sa airport ngunit dapat din na ipaliwanag itong maigi ng ating “gate keepers” na Immigration officers sa kung ano ang dahilan at kung paano nila matutulungan ang mga biyahero sa mga kulang na dokumento sa pagbiyahe nang higit na may kasamang “ngiti” sa mga pasahero at hindi ang pamamahiya sa harap ng maraming tao na isang hindi makatwirang asal ng isang government employee.
Kamakailan lamang ay isang Pinay kasama ang kanyang asawang Singaporean ang dumaan sa ating Immigration sa Clark International Airport na matapos ang kanilang honeymoon ay nais bumalik sa bansang Singapore ngunit sa kasamaang palad ay hindi pinayagan makaalis ang Pinay at ipinahiya ng ilang tauhan ng TCEU at sinabihang nagpapanggap lang daw itong mag-asawa?
Aba, ito ba ay makatwiran kahit nagpakita na ang mga ito ng kanilang marriage certificate?
BI Clark Chief Maan Lapid, Madam, pakidisiplina naman ang inyong mga tauhan.
Dapat ay matuldukan na ang hindi magandang imahe na ipinapakita ng ilan sa mga tauhan ng BI at tulungan natin ang pagpasok ng pamahalaan ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. katulong ni incoming Executive Secretary, Atty. Vic Rodriguez na sinasala nang maigi ang mga opisyales na ilalagay sa puwesto sa iba’t ibang puwesto sa pamahalaan upang maiwasan na ang korapsyon at pagmamalabis sa kapangyarihan ng ilan.
Isa ang BI sa nais ni PBBM na mabago ang imahe matapos ang Pastillas scheme na naging kontrobersyal sa panahon ni PRRD, dahil sa katiwalian ng ilan sa mga itinurong utak ng sindikato ngunit hindi lahat ng Immigration officers na nakasuhan ay may kinalaman dito, ang ilan ay nadamay lamang, at sa pakikipagtulungan ng BI employees ay muling maibabangon ang ahensya sa pagkasubsob nito.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
