Ni ANN ENCARNACION
KINOLEKTA ng University of Santo Tomas (UST) ang pang-siyam na panalo sa UAAP Season 84 women’s volleyball para sa Final 4 ticket.
Hindi pinaporma ng Tigresses ang UE Lady Warriors, 26-24, 25-18, 25-19, Martes sa Mall of Asia Arena at pinatatag ang record sa 9-4 panalo-talo.
Naglarong wala si UST head coach Kungfu Reyes, nanatili sa third place ang Tigresses sa likod ng imakuladang National University (12-0) at De La Salle University (9-3).
Pansamantalang pinalitan si Reyes ni assistant coach Yani Fernandez.
Samantala, bigo pa rin ang Lady Warriors na makakuha kahit isang panalo sa 13 games.
NU, 1 NA LANG SA SWEEP
ISANG panalo na lang ang kailangan ng National University (NU) Lady Bulldogs upang umabante sa UAAP Season 84 women’s volleyball finals.
Ito’y matapos patahimikin ng Lady Bulldogs ang Far Eastern University (FEU) sa four sets, 24-26, 25-17, 25-19, 25-10.
Pang-13 tagumpay na ito ng NU at isa na lang ang kailangan nila upang ma-sweep ang elimination round at awtomatikong dumeretso sa championship round.
Samantala, lalong nabaon ang Lady Tamaraws sa 1-12 record.
