ANG PANATA NG PITMASTER FOUNDATION

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

MARAMING nagtatanong sa akin kung ano raw ang ibig sabihin ng Pitmaster Foundation.

Kung literal na iisipin, pitmaster ang tawag sa taong nagbabantay o namamahala sa pagluluto sa isang barbecue pit.

Ngunit iba nga lang ang Pitmaster Foundation, dahil ang pitmaster nila ay si executive director Atty. Caroline Cruz, ang kanilang lady boss.

Wala nga lang silang niluluto pero kung pagkain ang pag-uusapan, aba’y marami naman sila niyan.

Kaliwa’t kanan din ang mga proyekto at ­programa na niluluto nila.

Ayon kay Cruz, ang ibig palang sabihin ng Pitmaster ay Providing Indigents Timely Medical Assistance Service & Targeted Emergency Relief. Iyan daw ang kanilang acronym.

Abala ngayon si Cruz sa pagpapatakbo ng Pitmaster kung saan si e-sabong kingpin Charlie “Atong” Ang ang siyang namamahala o chairman.

Gaya ng ibang foundation, umaasa lang din sa donasyon ang grupo.

Sa kanilang hanay, nangangahulugan na ang funding nila ay nagmumula naman sa e-sabong at kay Boss Atong mismo.

Napilayan nga lang sila nang magsara ang online cockfighting sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinatanggihan na raw nila ang ibang mga humihingi ng tulong.

Hindi na nila kakayanin.

‘Yung iba, may nakikitang masama sa sugal na ito.

Habang sa panig ng Pitmaster, marami itong natutulungan.

Tuwing may emergency o kalamidad, naghahatid sila ng ayuda.

Ang non-profit organization ay nagbibigay ng healthcare at targeted emergency relief sa mga nangangailangang komunidad.

Sinasabing sa loob lang ng isang taon, halos P1 bilyon ang naipamahagi nilang tulong sa mga mahihirap na lugar.

Naging aktibo ang Pitmaster sa pakikipag-­ugnayan sa gobyerno sa COVID-19 response.

Nagpaulan ito ng ayuda sa mga lokal na pamahalaan.

Nasa P150 milyon ang inilaan nila sa mass testing, healthcare kits at iba pang medical supplies.

Tinatayang 11,000 katao naman ang ­natulungan nila upang mabakunahan.

Ibig sabihin, talagang malaki ang naging ambag nila para mapababa ang mga kaso ng virus sa iba’t ibang lugar.

Kaya marami ang umaasa na maibalik pa ang e-sabong lalo pa’t ubod nga ng dami ang mga natutulungan nila.

Nawa’y magbago ang kapalaran ng online game na ito sa pagpasok ng bagong administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

262

Related posts

Leave a Comment