KUNG si Senator-elect Robin Padilla ang tatanungin, dapat pugutan ng ulo ang mga drug trafficker.
Sinabi ni Padilla na bukod sa pagsusulong ng pederalismo, prayoridad din niya ang panukala para sa death penalty sa mga sangkot sa pagbebenta ng droga.
Bukod sa pugot ulo sa drug trafficker, suportado rin ni Padilla ang lethal injection na una na ring naipatupad sa bansa.
Iginiit ng incoming senator na para sa kanya ang mga drug trafficker ay talagang utak kriminal at walang magandang dahilan upang idepensa ang kanilang aksyon.
Naniniwala si Padilla na hindi kahirapan ang dahilan ng mga big drug trafficker dahil karamihan naman sa mga ito ay sadyang mayaman na.
Pero ang isang small time drug pusher na nahulihan ng kapiranggot na droga para lamang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ay dapat patawan ng ibang parusa sa halip na kamatayan.
Bukod sa drug trafficking, nais ding isulong ni Padilla ang parusang kamatayan sa iba pang heinous crime kasama na ang plunder. (Dang Samson-Garcia)
220 