TIRANG PONDO SA PCSO AT PAGCOR GAMITING FUEL SUBSIDY – IMEE

HINIMOK ni Senadora Imee Marcos ang gobyerno na pag-aralang gamitin ang iba pang pondo para sa pagkakaloob ng fuel subsidy sa mga pinaka apektadong sektor sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Partikular na tinukoy ni Marcos ang Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na posibleng may natitira pang pondo na maaaring ilaan bilang subsidiya.

“Siguro tignan natin ang natitira pang pondo sa PAGCOR, PCSO, i-subsidize muna natin ang mga areas na naghihikahos. Pagkahirap-hirap naman ng buhay pati ang abono, fertilizer kung bakit umabot ng P3,000, yun ewan ko na lang,” pahayag ni Marcos.

Iginiit ng senador na dapat tuloy-tuloy ang subsidiya sa transport, agriculture at fishery sector dahil sa tindi na rin ng hirap ng buhay dulot ng COVID-19.

Sinabi ni Marcos na dapat maging mabusisi ang gobyerno sa pag-iisip ng paraan upang maagapayan ang mga Pilipinong naghihirap dulot ng walang tigil na pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo. (DANG SAMSON-GARCIA)

126

Related posts

Leave a Comment