PRO HAC VICE Ni BERT MOZO
ALING kautusan nga ba ang mas mananaig sa paglaban sa COVID-19, ang kautusan ng local executive o ng national executive?
Bakit nga ba nagiging problema pa ngayon ‘yan ng mga Cebuano? Nalilito tuloy sila kung sino ang susundin!
Eh kasi naman nagpalabas ng kautusan ang kanilang Governor’s Office na optional na lang daw ang pagamit ng face mask sa kanilang lalawigan na mariin namang tinutulan ng national government o ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang ‘di ko lang maintindihan ay kung bakit ba ganoon mag-isip ang gobernadora ng Cebu na si Gwendolyn Garcia gayung ‘di pa naman zero sa COVID-19 ang lalawigan ng Cebu. Pero tila ba kating-kati na itong magpatanggal na ng pagsusuot ng face mask sa kanilang lalawigan.
Bakit ba tila hinahamon ni Garcia ang kautusan ng national government sa pagsunod sa minimum health protocol para sa paglaban ng COVID-19?
Mayroon pang sinasabi si Garcia na dalawang linggo na lang naman daw maninilbihan ang kasalukuyang pamahalaan. Ano ang ibig mong palabasin, Governor? Na balewalain na ang kautusan ng kasalukuyang administration sa pagsusuot ng face mask? Aba’y anong klaseng pag-iisip ‘yan?!
‘Di ba puwedeng ang isipin mo ay ang kapakanan ng mga Cebuano sa halip na kung ano-ano? Aba’y ‘di ba noong mga panahon na sobra ang pagsirit ng COVID-19 cases sa lalawigan n’yo, sa national government kayo nagpapasaklolo? Tapos ngayon parang gusto n’yong palabasin na walang kuwenta ‘yung kautusan ng national government sa pagsusuot ng face mask gayung napatunayan naman na naging epektibo ang pagsusuot ng face mask sa paglaban sa nakamamatay na COVID-19.
‘Di ba ubrang panatilihin na lang ‘yung kautusan ng mga eksperto na manatiling magsuot ng face mask kung lalabas ng bahay at nasa pampubliko kang lugar? Governor Garcia?
Hayan, dahil sa kautusan mo ay nagkaproblema pa ang mga Cebuano dahil huhulihin din pala sila ng mga awtoridad kung ‘di sila magsusuot ng face mask sa public places.
May sinasabi pa itong si Gov. Garcia na kuwestyunable raw ang naturang kautusan ng national government dahil hindi raw naman dumaan sa Kongreso ang naturang kautusan.
Eh kung totoo ‘yung sinasabi mo, Governor Garcia, bakit nagkaroon ng pondo para sa paglaban sa naturang sakit at ang pagkakaloob ng ayuda, kung totoo ‘yung sinasabi mo na ‘di dumaan sa Kongreso?
Eh ano ‘yung RA 11496 na ipinasa ng Kongreso na pirmado ni Pangulong Rodrigo Duterte? ‘Di ba pasok na rin doon ‘yung health protocol? At isa nga sa mga ipinatutupad ay ang pagsusuot ng face mask.
Kailangan pa ba talagang magpapansin kaysa sumunod na lang? At bukod doon, ikaw lang ang katangi-tanging gobernador ang nagpalabas ng naturang kautusan!
At isa pa kung totoo ‘yang sinasabi mo bakit ‘d imo kaagad kinuwestyon ‘yan sa tamang mga kinauukulan noong ipinalabas ‘yan? At bakit ngayon ka lang nagngangawa?!
Pasalamat ka dahil mabait si DILG Sec. Eduardo Año na hindi ka kinasuhan sa Office of the Ombudsman dahil sa pagpapansin mo! Kaya po sa ating mga kababayang Cebuanos, sundin lang ang tama, napatunayan na po natin na malaki ang naipakitang tulong ng face mask sa paglaban sa COVID-19, kaya huwag n’yo po kalimutan ang pagsusuot ng face mask sa public places para ‘di na po kayo magkaproblema pa kapag nasita o nahuli kayo ng mga awtoridad. MABUHAY PO TAYONG LAHAT!
181 