RAPIDO Ni PATRICK TULFO
NAGMURA daw si PNP OIC Police Lt. Gen. Vicente Danao Jr. nang hilingin ng isang kasamahan sa media na siya ay ma-interview.
Sinisisi raw ni Gen. Danao ang media sa pag-viral ng kanyang larawan kung saan nagmano sa kanya ang ina ni Jose Antonio San Vicente na nakasagasa sa security guard.
Hindi kasi naging maganda ang reaksyon ng madla sa nasabing larawan at pinaghinalaan si Gen. Danao bilang protektor umano ng batang San Vicente.
Sakaling totoo ngang nagmura si Gen. Danao sa media, hindi naman dapat magalit ang heneral sa mga kasamahan natin sa PNP Press Corps dahil ang press con na ipinalabas ng media ay ‘live’ na napanood. Ang pagmano ni Gng. San Vicente sa kanya ay nakita ng lahat nang ‘live’ at hindi iyon kasalanan ng media.
Maaari naman sanang nagpaliwanag na lang si Gen. Danao na nagulat siya nang biglang magmano sa kanya ang ginang at hindi naman siya bastos para itulak ito.
Sabi nga ng ilang kapulisan, hindi naman daw kasi kailangang lapitan pa ni Gen. Danao ang mga San Vicente sa press con kaya’t nangyari ang ‘di n’ya inaasahang pagmano.
Siguro ay sa kagustuhan ni Gen. Danao na maging opisyal na PNP chief ay gusto n’yang makita siya sa nasabing press con ngunit hindi naging maganda ang dating at lalong napasama.
Dapat siguro ay mag-ingat si Gen. Danao sa susunod para ‘di siya malagay sa alanganin at ‘di rin n’ya kailangang pagalitan ang media na ginagawa lang ang kanilang trabaho.
***
Abala na ngayon palang si incoming DILG Sec. Benhur Abalos, ilang araw bago opisyal na magsimula sa kanyang trabaho.
Ayon kay Sec. Abalos, itutuloy n’ya ang War on Drugs campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang ibinilin sa kanya ni President-elect Bongbong Marcos.
Sinisigurado raw n’yang ang mga mauupo sa hanay ng PNP ay hindi sangkot sa ano mang kaso ng ilegal na droga.
Magaling naman si Sec. Abalos sa paghawak ng mga trabahong gagampanan n’ya bilang kawani ng DILG dahil nahubog na siya nang maging mayor siya ng lungsod ng Mandaluyong sa loob ng ilang taon.
Huling naging MMDA chairman si Benhur bago ito nagbitiw upang tumulong sa kampanya ng UniTeam nito lang nakaraang halalan.
223 