IKINAGIMBAL ng maraming peryodista ang hindi kainamang inasal ni Philippine National Police (PNP) OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr. kaugnay ng kontrobersyang bumabalot sa diumano’y VIP treatment na inilapat sa suspek sa likod ng viral video ng aktwal na pananagasa ng isang yayamaning conyo sa guwardiya ng isang establisimyento sa Mandaluyong City.
Dangan naman kasi, pinuntirya sa social media ang pambansang hepe ng pulisya.
Sa isang pahayag na inilabas ng mga peryodistang nakabase sa Kampo Crame sa Quezon City, partikular na tinumbok ang ‘di kainamang inasal ng heneral nang humiling ang mga kawani ng media ng panayam kaugnay ng naturang kontrobersya.
“As reported by some of our members, PLTGEN Danao uttered unpleasant remarks as he refused to be interviewed,” ayon sa opisyal na pahayag ng grupo sa insidenteng naganap kasunod ng isang okasyon sa loob mismo ng kampo.
“We, the PNP Press Corps, do not fully understand where PLTGEN Danao’s apparent enmity towards us is coming from but we have reasons to believe that it has something to do with the social media backlash on the recent surrender of an SUV driver tagged in the viral hit-and-run incident in Mandaluyong City,” dagdag pa nila.
Ang totoo, sadyang sablay ang PNP – partikular si Danao sa kaso ng pananagasa ni Jose Antonio San Vicente kay Christian Joseph Floralde. Sa halip na dakpin, pinahinog pa ang suspek. Ang resulta – napaso ang takdang panahong nagbigay daan sana para sa legal na pagdakip sa konyong nagtago ng ilang linggo.
Ang siste, iniharap sa publiko ang suspek na tila mukhang kawawang wari mo’y siya pa ang biktima. At sa naturang okasyon nakuhanan ng larawan ang ina ng suspek sa aktong pagmamano sa heneral. Hindi tuloy maiwasang tumaas ang kilay ng publikong napabulong ng ganito — “Kaya naman pala!”
Bilang opisyal, dapat angkop ang bawat pagkilos at pananalita ng heneral lalo pa’t siya dapat ang huwaran. Taliwas sa pagiging maginoo ang kanyang ipinamalas sa mga peryodistang ang tanging kasalanan lang ay gampanan ang kanilang trabaho.
Dapat din marahil ipaalala muli kay Danao ang kanyang sinumpaan – “To Serve and Protect.”
Bawal ang balat sibuyas sa gobyerno.
271
