Wala nang political color – Incoming ES Rodriguez DAING NG BARANGAY DIREKTA SA PANGULO

HIGIT pa sa mga de kampanilyang senador, kongresista, gobernador at alkalde ang magiging pakikitungo ng Palasyo sa mga barangay, ayon kay incoming Executive Secretary Vic Rodriguez, kasunod ng pagkilalang iginawad ng mga kapitan at kagawad mula sa 142 barangay sa Quezon City.

Sa kanyang pagbabalik sa gobyerno, tiniyak rin ni Rodriguez ang mabilis na aksyon ng administrasyong Marcos Jr. sa mga pangangailangan ng hindi bababa sa 42,000 barangay units sa buong bansa, kasabay ng giit na higit na kailangan makarating at madama ng mga mamamayan sa bawat sulok ng mga pamayanan ang mga pagbabagong kalakip ng pag-upo sa Hunyo 30 ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. bilang ika-17 Pangulo ng bansa.

“There is again a call to serve the nation. You cannot say No to a President who asked you to serve with him. So naririto ulit ako at tinanggap ang hamon… at sa paglilingkod na ‘yan sa mas malawak na constituency, buong Pilipinas, at sa mas mataas na antas, makaka-asa kayo kayo na kung anuman ang maitutulong ni Pangulong Bongbong Marcos, ipaabot lang po ninyo at kung ating kayang agad tugunan, ating tutugunan agad ‘yan, hindi lang dito sa Quezon City, kung hindi sa bawat sulok ng ating mahal na Pilipinas,” ani Rodriguez.

Unang sumabak si Rodriguez bilang kagawad ng barangay sa ika-4 na distrito ng naturang lungsod. Pagsapit ng edad 19, nahalal naman ang incoming executive secretary bilang kapitan.

Wala rin aniyang kikilalaning pulitika sa pagbibigay ng angkop na serbisyo at kalinga sa mga barangay.

“One of the good traits of Pres. Bongbong Marcos is that he can look beyond political colors, he can look beyond politics… it is very clear to him that he will serve, not just the more than 31-million Filipinos who voted for him, he is now the leader, he is now the representation, he is now the President of the 110-million Filipinos out there.”

Sa napipintong pag-upo ng susunod na Pangulo, naglambing naman si Rodriguez sa hanay ng mga kapitan.

“So, kami ay nanghihingi ng inyong taos-pusong suporta at maraming panalangin sapagkat alam namin na napakataas ng expectation ng sambayanang Pilipino sa liderato ng susunod na Pangulo, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,” dagdag pa niya.

Para naman sa mga kapitan mula sa Quezon City, lubos nilang ipinagmamalaki ang isang dating kapitan ng barangay na manunungkulan sa Palasyo.

“Ipinagmamalaki natin na sa hanay nating mga kagawad at kapitan ay meron tayo ngayong executive secretary. Kaya kami po ay proud na proud. Kaya kami po ay nanditong lahat para magbigay-pugay sa inyo at ipaalam sa inyo na kami ay masayang-masaya at talagang tunay na kami ay proud na ang executive secretary ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay galing sa Quezon City,” ani QC District 3 Liga ng Barangay president Cesar dela Fuente.

“In behalf of the barangays of District 4, we are proud to say na ang anak ng Distrito 4 ang magiging susunod na executive secretary ng Pilipinas. Congratulations Atty. Vic Rodriguez!” pagmamalaki naman ni QC District 4 Liga ng Barangay president Jose Ma. Rodriguez.

197

Related posts

Leave a Comment