20K PULIS IKAKALAT SA SONA NI PBBM

TINATAYANG mahigit sa 20,000 pulis ang ikakalat para pangalagaan ang seguridad sa gaganaping kauna-unahang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ayon sa pamunuan ng Philippine National Police.

Base umano sa official plan na iprinisinta ng (PNP-National Capital Region Police Office), nangangailangan sila ng mahigit 15,000 pulis. Subalit kung idaragdag pa umano ang force multiplier mula sa military, mula sa Presidential Security Group, at Metropolitan Manila Development Authority, posibleng umabot sa mahigit 20,000 ang manpower na ide-deploy, ayon kay PNP Director for Operations P/MGen. Valeriano de Leon.

Nilinaw ni Maj General De Leon na kasama sa nasabing puwersa ang active disturbance management groups na sadyang itinalaga para magbantay sa SONA ni Pangulong Marcos Jr.

Tahasang sinalungat ni De Leon ang akusasyon ng mga militanteng grupo na masyadong “overkill” ang plano ng PNP na magtalaga ng 20 libong pulis.

Nangangamba naman ang mga progresibong grupo na baka mag-mistulang military garrison ang buong Quezon City partikular sa area ng Batasan Complex dahil sa dami ng nagkalat na mga pulis at militar.

Una nang inihayag ni Bayan Secretary General Renato Reyes Jr., na “overkill” ang pagpapakalat ng 20,000  pulis para sa unang SONA ni Pangulong Marcos na aniya’y pag-aaksaya rin sa pondo ng bayan. (BERNARD TAGUINOD)

192

Related posts

Leave a Comment