BUBUGBUGIN ng multa na may kasamang kulong ang mga pabayang employer na nagiging dahilan ng disgrasya at kamatayan ng kanilang mga empleyado.
Kahapon ay inihain ng Makabayan bloc sa Kamara ang House Bill (HB) No. 2126 para amyendahan ang Republic Act (RA) No. 11058 o Occupational Safety and Health Standards Law.
Ginawa ang nasabing panukala dahil patuloy na binabalewala umano ng karamihan sa mga employer ang nasabing batas na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 17, 2018.
Patunay umano rito ang Integrated Survey on Labor and Employment (ISLE) noong 2019, kung saan naitala ang 310 “fatal cases” ng occupational accidents na naging dahilan ng pagkamatay ng ilang empleyado.
Pinakahuli anila rito ang pagkamatay ng dalawang elevator maintenance workers na sina Manuel Linayao at Rey Miguel Gillera dahil sa aksidente sa kinukumpuning elevator sa Burgundy Corporate Tower sa Makati City noong Hulyo 8, 2022.
“The absence of stricter penalties and imprisonment for employers who commit gross violations of Republic Act 11058 or the OSH Law has been contributing to the hundreds of fatal accidents that occurred in workplaces in recent years,” ayon sa grupo.
Dahil dito, nais amyendahan ng mga ito ang nasabing batas upang pagmultahin ng malaki ang mga employer na hindi sumusunod sa batas upang tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado.
Kapag naipasa ito, lahat ng mga employer ay pagmumultahin ng P100,000 kada araw kapag natuklasan na hindi ligtas sa kanilang mga empleyado ang lugar na pinagtatrabahuhan ng mga ito at hangga’t hindi naitatama ang pagkakamali
Mas mas malaki ang multang ipapataw sa mga pabayang employer kapag nagkaroon ng disgrasya na may nasaktang empleyado at sisingilin ang mga ito ng mula P300,000 hanggang P500,000 na may kasamang kulong na isa hanggang 3 taon, at kailangan nilang bayaran ang nadisgrasya ng P75,000. (BERNARD TAGUINOD)
318 