Ni VT ROMANO
WALANG balak mag-relax ang newly-crowned AFF Women’s Championship queens Filipinas matapos ang kanilang historical win noong Linggo ng gabi.
Magiging abala ang national football team sa ililinyang international friendly matches ng Philippine Football Federation (PFF), upang makatulong sa pagpapataas ng kanilang FIFA world ratings para makakuha ng mas magandang draw sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Oktubre.
“The draw will be in October that is why we are trying to schedule more games for the Filipinas against opponents that are higher than us in the rankings so they, hopefully, will also improve their ratings,” lahad ni PFF president Mariano Araneta nitong Martes sa Philippine Sportswriters Association (PSA) online Forum.
Hinablot ng Filipinas ang makasaysayan at unang major international football title ng bansa sa ilalim ni Australian mentor Alen Stajcic makaraang talunin ang Asian football titans Australia, Vietnam at Thailand may mga ranking na 12, 32 at 43, ayon sa pagkakabanggit.
Sa nasabing panalo laban sa higher-rated rivals, ang currently ranked 53rd Filipinas ay inaasahang aakyat ang ratings, na malaking bagay para sa World Cup draw.
“Coach Alen told me that we only need four to eight points to go from the fourth to the third spot. This will help the Filipinas avoid facing the heavyweights early in the tournament,” esplika ng PFF chief.
Ang Kiwis at Costa Ricans ay kasalukuyang nakaupo sa No. 22 at 37, base sa FIFA rankings.
Sa harap ng 8,275 fans, ganadong-ganado ang Filipinas nang kumpletuhin ang kanilang ‘fairy-tale run’ at dispatsahin ang four-time champion Thailand, 3-0, hindi lang para ibulsa ang kampeonato kundi buhayin ang national interest sa larong football.
Magugunitang ganito rin ang naging atmosphere nang maabot ng Azkals ang AFF Suzuki Cup semifinals sa unang pagkakataon noong 2010.
Nakapasok ang Filipinas sa 2023 FIFA World Cup na iho-host ng Australia at New Zealand, nang makaabante sa semis ng 2022 AFC Women’s Asian Cup noong Pebrero. Ito rin ang unang pagkakataong sasabak sa global stage ang Pilipinas.
