HANDA nang sumabak si Olympian pole vaulter EJ Obiena sa qualification round ng 2022 World Athletics Championships bukas (Hulyo 22) sa Eugene, Oregon, USA.
Si Obiena ang kaisa-isang Pilipinong nakapasok sa prestihiyosong torneo makaraang bigong mag-qualify si Fil-Am Eric Cray sa men’s 400m hurdles.
Si Cray ay kinulang ng tatlong puntos upang makapasok sa top 40 patungong World Athletics na ang finals ay gaganapin sa Hulyo 24.
Tatangkain ng Asian record holder na si Obiena na lampasan, hindi lang ang kanyang personal best jump, kundi maging ang trauma na sinapit makaraang madetine ng 12-oras sa US Immigration office sa Los Angeles airport, ayon sa ina nitong si Jeanette.
Pinigil ang Pinoy pole vaulter ng US Department Homeland Security kamakailan base sa sumbong ng isang whistleblower na may criminal case umano siya.
Tinutukoy nito ang kasong isinampa laban kay Obiena ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) noong nakaraang taon, na naayos na at patunay nito ay ang paglahok niya sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam at pagdepensa sa kanyang titulo na unang nakamit noong 2019 edition sa Manila.
Si Obiena, nakabase sa Formea, Italy ang kauna-unahang athletang Pilipino na napagkalooban ng scholarship ng International Athletics Federation.
Kasalukuyang ranked world no.6, pinarangalan siya bilang “Outstanding Manilan in the field of sports” at dalawang linggo pa lang ang nakalilipas ay sumungkit ng gintong medalya sa European City of Sports in L’Aquila, Italy. (EDDIE ALINEA)
