SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA
DEKADA 80s at 90s nang kilalanin ang Pilipino sprinter na si Lydia de Vega na “Sprint Queen” at “Fastest Woman in Asia.”
Bumalik sa Pilipinas si Diay, tawag sa kanya sa mundo ng track & field, matapos ang 17 taong pagtuturo sa Singapore at sa edad 57 ay patuloy na lumalaban, sa pagkakataong ito sa sakit na kanser. Mayroon siyang stage 4 breast cancer.
“She’s now in stable, condition, although still critical, according to her doctors,” ulat ng anak niyang dating manlalaro ng volleyball na si “Paneng” Mercado-de Koenigswarter.
“Anything is possible pa daw, the doctors said medyo marami pang test at operasyon ang dapat gawin. Hopefully, she makes it,” dagdag ng dating miyembro ng La Salle volleybelles at misis ni David Koenigswarter, isang piloto.
“Hindi pa rin po makausap, kaya hindi pa puwedeng dalawin. That’s why we’re asking all those who want to visit my Mom na sana they understand the present situation. Sorry po to everybody na hindi rin namin masabi kung saang ospital siya naka-confine,” paliwanag ni Paneng sa Sala sa Init, Sala sa Lamig.
Kinumpirma ni Philippine Sports Commission Officer-In-Charge, Atty. Guillermo Iroy na maayos naman ang kalagayan ni Diay.
Si Iroy ang naatasang magpatupad ng atas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bigyan si Diay ng lahat ng kinakailangang tulong para sa kanyang agarang paggaling.
“Diay is now in stable condition, although, yun nga, medyo critical pa rin,” wika ni Iroy. “Fighter si Diay and she had repeatedly showed that during her Asia domination of all the competitions she took part in her reign as the region’s fastest woman in more than two decades.”
Siniguro ng PSC executive director sa panahon pa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte: “I will be following to the letter President BBM’s directive to help Diay in her present predicament.”
Nagpadala na aniya ang PSC ng initial financial assistance sa pamilya De Vega at hihingi siya sa incoming PSC board ng karagdagang assistance. “The IOC’s power on this matter is limited, so I need the board to act on it.”
Paliwanag pa ni Iroy: “Wala naman akong nakikitang problema para ‘di masunod ang instruction ng Presidente. Diay is a legitimate sports heroine at kailangang tulungan sa oras ng kanyang pangangailangan.”
Nakilala bilang pinakamabilis na babae sa Asya si Diay noong 1979, nang pagreynahan niya ang track and field. Sa kuwenta ng kolumnistang ito, siya ay nakalahok sa 95 karera mula nang siya’y madiskubre. Sa kabuuang bilang na ito, 53 ay sa mga international arena kabilang ang dalawang International Amateur Athletic Federation (IAAF) championships.
Noong siya’y parangalan sa SCOOP Awards Night at napabilang sa Hall of Fame ng Sports Communicators Organization of the Philippines, siya ay nakaipon na ng 14 gold medal sa kanyang paboritong 100 meters, walo sa 200 meters, tatlo sa 400 meters at dalawa sa long jump. Si Diay ay lumaban din sa triple jump, isang disiplinang sinimulan sa kababaihan noong 1990, at panalo rin siya sa kauna-unahang paglahok dito sa National Open noong 1993.
Nag-iisa lamang si Diay na babaeng sprinter na nagkampeon sa dalawang sunod na Asian Games, noong 1982 New Delhi at 1986 Seoul. Siya lang din ang nakakumpleto ng two golden sprint sa Asian Amateur Athletic Association (4 As) Championships noong 1983 sa Singapore at 1987 sa Jakarta, lungsod kung saan umiskor siya ng ‘triple whammy’ nang manguna sa 100 meters, 200 meters at long jump noong 14th SEA Games.
185 