Inihalal na mga bagong lider ZUBIRI SA SENADO, ROMUALDEZ SA KAMARA

PORMAL nang binuksan kahapon ang ika-19 Kongreso matapos hirangin ang mga bagong mamumuno sa mataas at mababang kapulungan.

Tulad ng inaasahan, nahalal bilang bagong Senate President para sa 19th Congress si Senador Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri.

Anim na senador na kinabibilangan nina Senators Joel Villanueva, Loren Legarda, Jinggoy Estrada, Grace Poe, Bato dela Rosa at JV Ejercito ang nagsulong ng nominasyon para kay Zubiri na inaprubahan ng mayorya ng mga mambabatas.

Hindi nakilahok sa botohan sa Senate President sina Senators Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano na mananatiling independent.

Ang mga inaasahan namang miyembro ng minority bloc na sina Senator Koko Pimentel at Risa Hontiveros ay nag-abstain sa botohan.

Sa kanyang acceptance speech, binigyang-diin ni Zubiri ang pangakong mananatiling independent ang Senado at isusulong ang mga panukala para sa kapakanan ng mamamayan.

Samantala, naihalal si Senadora Loren Legarda bilang Senate President Pro Tempore habang Senate Majority Leader at Chairman ng Senate Committee on Rules si Senador Joel Villanueva.

Matapos namang mahalal si Villanueva bilang Senate majority leader ay tumayo si Senador Robin Padilla at inihayag na nag-iinhibit siya sa pagboto kay Villanueva bilang chairman ng Committee on Rules.

Kasunod nito, isinulong ni Senador Risa Hontiveros ang nominasyon kay Senador Koko Pimentel bilang Senate Minority Leader at tinanggap agad nito.

Pinagbotohan din ang Senate Secretary kung saan isinulong ni Senador Joel Villanueva ang nominasyon kay Atty. Renato Bantug na kinatigan ni Sen. Risa Hontiveros at inaprubahan ng Senado.

Sa Kamara, walang naging katunggali si Leyte Rep. Martin Romualdez sa pinakamataas na puwesto.

Sa pagbubukas ng 19th Congress, mismong si Presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang nag-nominate kay Romualdez bilang Speaker ng Kamara ngayong 19th Congress.

“Representative Romualdez’ competence is far beyond dispute. His professional experience as a lawyer and banking executive allow him to take an analytical and corporate approach to economic issues that require suitable legislation,” ani Marcos sa kanyang nomination speech kay Romualdez.

“The votes show that the Representatives from first district of Leyte, the Honorable Ferdinand Martin G. Romualdez, garnered 283 votes. With 283 votes, the chair declared that the Gentleman from the first district of Leyte, the Honorable Ferdinand Martin G. Romualdez as duly elected Speaker of the House of Representatives,” deklara ng presiding officer na si House Secretary general Mark Llandro Mendoza matapos ang botohan.

Apat na mambabatas ang nag-abstain na kinabibilangan nina OFW party-list Rep. Marissa del Mar- Magsino, Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at ACT party-list Rep. France Castro.

Bumoto naman ng “no” sa nominasyon ni Romualdez si Albay Rep. Edcel Lagman habang hindi nakaboto ang 22 mambabatas na karamihan ay hindi nakadalo sa unang session.

Nanumpa si Romualdez sa pinakabatang miyembro ng Kapulungan na si Tarlac 1st district Rep. Jaime Cojuangco.

GMA nahirang na
senior deputy speaker

Hindi ordinaryo ang magiging papel ni dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa 19th Congress matapos siyang italaga bilang senior deputy speaker.

Si Arroyo ay isa sa matunog na tatakbong Speaker ngayong 19th Congress subalit sa hindi malinaw na kadahilanan ay hindi ito natuloy bagkus ay ipinaubaya nito kay Romualdez ang Speakership.

Kabilang si Arroyo sa 283 congressmen na bumoto kay Romualdez via zoom dahil hindi ito makadalo nang personal matapos magpositibo sa COVID-19.

Kasama sa mga hinirang na deputy speaker sa unang araw ng sesyon ng 19th Congress sina Davao Rep. Isidro Ungab, Antipolo Rep. Ronaldo Puno, Las Pinas Rep. Camille Villar, Ilocos Sur Rep. Kristine Singson-Meehan at TUCP party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza. Inaasahan namang madaragdagan pa ang mga ito sa mga susunod na araw dahil noong 18th Congress ay mahigit 30 ang itinalagang deputy speaker.

Itinalaga naman bilang Majority leader si Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Manix” Dalipe habang si Ret. Police Major General Napoleon Caballes ang iniluklok na House Sgt-at-arms.

Inihalal din kahapon ang bagong secretary general ng kapulungan na si Reginald Velasco na dating executive director ng National Unity Party (NUP).

Guanzon ‘di tinawag
sa roll call

Hindi tinawag sa unang roll call ng mga miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon.

Bago naghalal ng mga opisyales, nag-rollcall muna para sa attendance subalit hindi nabanggit ang P3PWD party-list na kakatawanin ni Guanzon sa Kamara.

Magugunita na kinuwestiyon ni National Youth Commission Chairman Ronald Cardema ang nominasyon ni Guanzon sa Korte Suprema na naging dahilan para mag-isyu ng temporary restraining order (TRO).

Maging ang Magsasaka party-list na isa sa mga nanalo noong nakaraang eleksyon ay walang natawag na kinatawan ngayong 19th Congress.

Ang nasabing partido ay dating kinakatawan ni Rep. Argel Cabatbat noong 18th Congress at siya pa rin ang first nominee ng partido sa katatapos na eleksyon subalit hindi natawag ang pangalan nito.

Wala ring tinawag na kinatawan ang unang distrito ng Zamboanga del Norte matapos maglabas ng TRO ang SC na humarang sa pag-upo ni Romeo Jalosjos Jr. sa Kongreso.

Ang 19th Congress ay binubuo ng 315 miyembro na kinabibilangan ng 62 party-list at 253 congressional district congressmen mula sa dating 304 noong 18th Congress. (DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

168

Related posts

Leave a Comment