TINIYAK ni Vice President Sara Duterte na tatapusin ng pinamunuang Department of Education (DepEd) ang komprehensibong pagrerebisa sa umiiral na K-12 basic education program, bago magbukas ang klase sa susunod na taon.
Pag-amin ni Duterte na tumatayong Kalihim ng naturang kagawaran, binigyan lamang sila ng isang taon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para makapagsumite ng rekomendasyon – kung itutuloy o tuluyang ibabasura ang K-12 – batay sa magiging resulta ng kanilang pag-aaral.
Pagtitiyak ng Kalihim, maisasakatuparan ng kanyang tanggapan ang hiling ng Pangulo lalo pa’t Grades 11 at 12 na lang ang kanilang isasailalim ng metikulosong pag-aaral. Aniya, malaking bentahe ang nagawa ng dating pamunuan ng DepEd na una nang nagsagawa ng pag-aaral sa mga antas na Kinder hanggang Grade 10.
Sa nakalipas ng pulong ng Gabinete, hiniling ni Duterte sa Pangulo na pahintulutan ang DepEd na ituloy ang Basic Education Development Plan na binalangkas at itinaguyod ng nakalipas na administrasyon.
Aniya, mas mapapabilis ang pagrerebisa ng kanyang departamento katuwang ang naturang programang isinulong ni dating Education Sec. Leonor Briones.
“Secretary Briones already conducted, initiated the review of Kinder to Grade 10 and they are about to finish and wrap up and make their report on the review of Kinder to Grade 10. My administration will start the review on Grades 11 to 12,” bulalas ni VP Sara.
Nakipag-ugnayan na rin aniya siya kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma hinggil sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Senior High School program.
“And we already agreed that there is a need to strengthen and intensify our coordination particularly in the Philippine Skills Framework between the DOLE and DepEd,” dagdag pa niya.
Panahon ni yumaong dating Pangulong Benigno Aquino III nang isabatas at umpisahan ang implementasyon ng K-12 sa paniwalang maitataas ang antas at kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.
Gayunpaman, marami ang umalma kabilang ang mga magulang ng mga mag-aaral na nagsabing dagdag-gastos lamang ang K-12 para sa mga maralitang tulad nila. (ENOCK ECHAGUE)
195
