SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA
PASKO ng Pagkabuhay noong Abril 21, 2019 nang handugan ang Pilipinas ni pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena ng gintong medalya mula sa 23rd Asian Track and Field Championships sa Doha, Qatar.
Sa kanyang tagumpay ay pinawi ni EJ ang 124 taong pagkauhaw ng bansa sa gintong medalya sa naturang kompetisyon simula noong 1925, nang sa ikapitong edisyon ng kinikilala pang Far Eastern Games ay naghari sa pole vault si Antonino Alo matapos talunin si Ting T-chung ng China, na binigo naman ang isa pang Pinoy na si Genaro Saavedra. Sa kabuuan, tatlong beses naghari sa FEG si Alo, panghuli nga sa nabanggit na taon.
Ayon sa handbook na sinulat ni Tan Buchaan tungkol sa kasaysayan ng Far Eastern at Asian Games Athletics, isa pang Pilipinong pole vaulter ang mas naunang nagkampeon at siya ay si Remigio Abad. Nangyari ito noong 1913, noong ang tuwing ikalawang taong kompetisyon ay ginanap sa Maynila. Patunay ito ng dominasyon sa Asya (noon pa man) ng mga Pilipinong pole vaulter.
Ngunit hindi nabibigyang atensyon ng local at international media sa hindi natin alam na kadahilanan. Maaaring kulang sa pananaliksik ang maraming kapwa sports media? O sadyang hindi sila interesadong alamin ang kahalagahan ng kasaysayan ng ating magigiting na atleta, gaya sa athletics, kaya’t hindi nila batid kung gaano kahalaga ang mga karangalang nakakamtan ng isang EJ Obiena.
Isipin na lang, 124 taon ang lumipas bago nagkaroon ulit ng kampeon na Pilipinong pole vaulter sa Asya. At ang anak na ito ng mga dating national athletes din na sina pole vaulter Emerson at hurdler Jeanette Obiena ang siya rin una sa kanyang isport na nakarating sa Olympics, sa nabalam ng isang taon (dahil sa COVID-19 pandemic) na Tokyo edition.
Noong nakaraang linggo lang, muling gumawa ng bagong kasaysayan si EJ nang makapagbulsa siya ng bronze medal sa World Athletics Championships sa Eugene, Oregon sa USA. Ang 26-anyos pole vaulter ang tanging Pilipino na nakasungkit ng medalya sa naturang torneo.
Nakabase sa Formea, Italy sa nagdaang humigit-kumulang isang dekada, ang Asian pole vault record holder na si EJ ay patuloy pang nagsisikap na pantayan, kundi man higitan, ang silver medalist sa Eugene na si Olympian Chris Nilsen ng USA at ang gold winner at world record holder Mondo Duplantis ng Sweden. Target ni Obiena na makasungkit ng medalya sa 2024 Paris Olympics at mapasama sa elite 6-meter club.
“There are a lot of things I want to do in the sport. I’m still happy to win the bronze medal but missing six meters is like… There’s something I need to do,” ani Obiena sa Zoom press meeting.
“There’s only 24 people who have reached the six-meter mark, I want to be the 25th.”
Ang back-to-back gold medalist sa Southeast Asian Games at may-ari ng hindi kukulangin sa anim na ginto sa iba’t ibang kompetisyon sa European Circuit ay marami pang pagkakataon na matupad ang kanyang goal. Nakatakda siyang sumabak sa Silesia leg ng Diamond League sa Agosto 6 sa Poland at Gyulai Istvan Memorial-Hungarian Athletics Grand Prix sa Agosto 8 sa Hungary.
Nariyan pa ang 32nd SEA Games sa Cambodia at XIX Asian Games sa China sa susunod na taon, bago ang kanyang inaasam na XXXIII Games sa 2024 Paris, na eksaktong ika-100 taong anibersaryo ng pagIahok ng Pilipinas sa Olimpiyada.
Sa loob ng 88 taon ay wala pang napapanalunang anumang kulay na medalya ang Pilipinas sa athletics sa kada ikaapat na taong Palaro. Huling medalya ng bansa sa athletics sa Olympics ay noong 1936 sa Berlin, nang maka-bronze ang Bikolanong si Miguel White sa 400m hurdles. Si EJ na kaya ang makabasag sa sumpa?
“That’s the plan. That’s definitely what I want to achieve…” sabi pa ni Obiena.
