SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
SUMABAK agad sa trabaho si Quezon City 1st Dist. Rep. Arjo Atayde sa pagbubukas ng 19th Congress.
Aba’y naghain agad siya ng top six priority bills sa Kongreso.
Aniya, ang mga panukala niya ay malapit sa kanyang puso.
“Marami pa tayong kailangang matutunan tungkol sa paggawa ng batas. Ngunit ang maipapangako ko sa mga naghalal sa akin, tututukan natin at ipaglalaban ang mga panukalang ito,” wika ng batang kongresista.
Batay sa tradisyon, pinapayagan ang personal na paghahain ng mga mambabatas ng kanilang prayoridad na bills o resolutions.
Kung hindi ako nagkakamali, kasama sa priority bills ni Atayde ang mga proposals na may kinalaman sa kalusugan at entertainment industry.
Nais niyang ma-upgrade ang Quezon City General Hospital at magkaroon ng fully-equipped medical center.
Mahalaga rin daw na doblehin ang bed capacity ng ospital mula sa 250 patungong 500 beds.
Isinusulong niya rin ang pagkakaroon ng Philippine Virology Science and Technology Institute na kung matatandaan ay hindi nakausad sa 18th Congress.
Maganda rin ang ‘magna carta for barangay health workers’ na itinutulak ni Atayde.
“We have seen during the pandemic the dire working conditions of our barangay health workers. They have been overworked and underpaid. Umaasa tayong sa tulong ng Magna Carta for Barangay Health Workers ay maitaguyod natin ang kapakanan nila,” pahayag pa ng aktor.
May maganda ring balita si Atayde para sa kanyang nasasakupan.
Aba’y umarangkada na kasi ang kanyang “Kusina On Wheels” upang maghatid ng masusustansyang pagkain para sa mga kababayan natin.
“At dahil batid po natin na tayo ay nasa panahon pa rin ng pandemya, namahagi rin po tayo ng mga alcohol upang mapanatiling ligtas sa banta ng COVID-19,” sabi niya.
Pinuntahan din niya ang Brgy. Alicia upang mamigay ng pagkain, kasama si Kap Ric Corro, barangay staff at ilang community leaders.
Sinasabing iikot sa buong distrito ang “Kusina On Wheels” tuwing huling Biyernes ng bawat buwan.
Ayon kay Atayde, sisikapin niyang madagdagan pa ang mga pagkaing kanilang naibabahagi sa kanyang mga ka-distrito.
Mabuhay po kayo, Cong. Arjo Atayde, at God bless!
