ALOK NI LIBANAN SA PAMAHALAAN, MAKASISIRA O MAKATUTULONG?

BISTADOR Ni RUDY SIM

MALAKAS talagang makahatak sa ating mga ­kababayang botante sa nagdaang halalan na bumoto ng isang party-list na ang pangalan ay akala nilang makatutulong sa pangangailangan ng ating mga kababayang mahihirap ngunit sa bandang huli ay tila nagamit lang ito ng mga pulitikong nais makabalik sa kapangyarihan.

Ang dating congressman noon ng Eastern Samar na na­­nalo ngayon bilang representative ng 4Ps Party-List na si Marcelino Libanan ay tila nagpapalapad ng papel kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at ­inaalok nito ang pamahalaan ng maaaring pagkunan ng malaking pondo upang ma­tugunan ang pangangailangan ng ating bansa sa patuloy na pandemya.

Maaaring kumita umano ang pamahalaan ng P10-B o higit pa kung ang kanyang nalalaman at karanasan bilang dating commissioner ng Bureau of Immigration (BI) ay mapapag-aralang itulak at muling isakatuparan. Ano kaya itong nais ipahiwatig ni Cong? Nais kaya nitong muling hawakan ang BI?

Sir, mawalang galang lang po! Maraming aplikante bilang commissioner ang BI ngunit hanggang ngayon ay mahigpit na prayoridad ni PBBM na labanan ang korapsyon kaya’t masusing pinag-aaralan ni ­Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez na hindi na ­muling makalulusot ang may nais lamang na magpayaman ng sarili.

Si Libanan ay naging Commissioner sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2007-2010. Ngunit noong patapos na ang termino ni GMA ay tila humanap ito ng paraan upang manatili pa rin sa puwesto sa pagpasok ni Noynoy Aquino.

Pilit na inihahabol noon ni Libanan bago magsara ang Kongreso, na maaprubahan ang bagong immigration bill na magiging pabor sa kanya kung saan ay magiging 7 years ang termino nito at naging usap-usapan noon ang umano’y pagreregalo nito sa ilang mga senador ng mamahaling relo na “Patek Philippe” ngunit ang batas ay naudlot dahil nabulgar sa media.

Isa ang Bistador sa nagsiwalat ng umano’y katiwalian noong panahon ni Libanan sa BI at sa aking karanasan ay hindi lamang 5 beses akong nakaligtas sa posibleng masamang binabalak, maaaring apektado sa aking pagsisiwalat, nariyan ang pinuntahan ako ng armadong kalalakihan sa aking tahanan ngunit wala ako. Maging ang sundan ako sa pampasaherong jeep sa pagpasok sa trabaho ngunit sa awa ng Diyos ay hindi tayo pinabayaan at naging alerto kaya hindi sila nagtagumpay.

Hanggang sa ang aking sinusulatang pahayagan noon ang nagbenta sa akin upang matigil ang aking pagsisiwalat. Hindi naman lahat ng miyembro ng media ay kurap, marami pa rin ang tapat sa pagbabalita, isa na nga rito ang Saksi Ngayon na katulong ng pamahalaan laban sa mga mapagsamantala.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

132

Related posts

Leave a Comment