INIHAYAG ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na tuloy-tuloy ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring pagbagsak ng isang helicopter na sinasabing sinakyan ni Senator Bato Dela Rosa, bago nag-crash sa Guimba, Nueva Ecija noong hapon ng Sabado na ikinamatay ng 25-anyos na babaeng piloto.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, maraming pag-aaralang factor sa pag-crash ng chopper tulad ng panahon, engine o makina ng helicopter, record ng piloto at ng mismong aircraft.
Agad na nilinaw ng CAAP na mayroon itong ‘permit to fly’ kaya’t compliant ito sa procedures na itinakda ng CAAP.
Sinabi din ng CAAP official na agad ipinaalam sa pamilya ng piloto ang nangyaring insidente at na-claim na ng pamilya ang labi ng hindi muna pinangalanang biktima.
Ayon kay Apolonio, galing sa Manila ang helicopter at ibinaba ang isang pasahero sa Baguio City saka umalis ng bandang alas-11:51 ng umaga noong Sabado pero kinailangan nitong magkarga ng fuel kaya’t nagtungo ito sa Binalonan Airport sa Pangasinan at nag-landing dakong alas-12:05 ng tanghali.
Hindi agad umandar ang helicopter matapos magpakarga ng fuel kaya’t dakong alas-4:30 na ng hapon ito naka-take off.
Subalit alas-5:20 ng hapon, nakatanggap ang Guimba Police Station ng report mula sa concerned citizen kaugnay sa helicopter crash sa Barangay San Miguel, Guimba, Nueva, Ecija.
Samantala, kinumpirma ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na siya ang huling sakay ng chopper bago ito bumagsak sa Barangay San Miguel.
Sinabi ng senador na mag-isa na lamang ang babaeng piloto nang pabalik na ito matapos siyang ihatid at ang dalawang security aides sa Baguio City.
Dumalo sa isang engagement ang senador sa Baguio at saka bumiyahe patungong Binmaley, Pangasinan.
Personal na kilala ni Dela Rosa ang piloto at ang ama nito ay matalik niyang kaibigan.
Nitong Linggo ng gabi, Pebrero 2, ay bumisita sina Dela Rosa, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Senador Bong Go sa lamay ng nasawing piloto. (JESSE KABEL RUIZ)
7