DPA Ni BERNARD TAGUINOD
KUNG natalo si President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong nakaraang eleksyon, malamang si dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez lang ang maiiwan sa tabi niya.
Pinatunayan ni Atty. Vic ang kanyang loyalty kay BBM nang matalo siya sa vice presidential race noong 2016 election. Hindi siya nang-iwan at sinamahan si BBM sa kanyang krusadang mabawi ang boto ng sambayanang Filipino.
Wala kang makikitang mga tao na may malalaking pangalan sa mundo ng pulitika, ang kumampi kay BBM sa kanyang electoral protest laban kay dating Vice President Leni Robredo.
Ang malimit na kasama niya noon ay si Atty. Vic na nagtatanggol sa kanya sa electoral protest na kanilang inihain laban kay Robredo bilang abogado at tagapagsalita ni BBM.
Sabi nga ni dating Congressman Mike Defensor, ang karamihan ngayon sa kasalukuyang administrasyon ay “fence sitters” na nag-aabang kung sino ang mananalo sa katatapos na eleksyon.
“When everyone else waited in the sidelines for Inday Sara to declare as president, ES Vic uncompromisingly pushed BBMs presidential fight,” sabi pa ni Congressman Mike.
Totoo naman dahil ‘yung malalaking pangalan na nakaupo ngayon at nabigyan ng puwesto na walang kahirap-hirap, ay hindi mo narinig ang kanilang pangalan noong panahong nangangapa pa sa dilim si BBM.
Pero si Atty. Vic, kumayod nang husto para masiguro na hindi bababa ang popularity ng kanilang kandidatong si Marcos, bilang tagapagsalita noong panahon ng kampanya.
Nagtagumpay si Atty. Vic na maipanalo ang kanyang kandidato na naging dahilan para dumami ang mga taong biglang naging kakampi o kumampi kay BBM at bahagi na sila ngayon ng administrasyon.
Biglang naitsapuwera si Atty. Vic sa Marcos family pero sabi ko nga, kung natalo si BBM noong nakaraang eleksyon, malamang siya lang ang maiiwan sa tabi (ulit ni Marcos) para ipaglaban ang boto ng sambayanang Filipino.
Siguradong mananatiling tagapagsalita at abogado ni Marcos si Atty. Vic at sigurado rin ako na ‘yung mga nakaupo ngayon ay nasa kampo ng nanalong (kung hindi si BBM) pangulo.
Malamang sa malamang, hindi makikita ang karamihan sa mga tao ngayon sa Malacañang na sasamahan si Atty. Vic kapag nagsampa sila ng electoral protest kung natalo si BBM noong nakaraang halalan.
Sabagay, noon pa man sinasabi na ng mga tao na ‘snake pit” ang Malacañan at hindi mo alam kung sino ang kakampi mo dahil ang nangingibabaw na interest lang sa Palasyo ay “personal interest”.
May alam nga ako noong mga nakaraang administrasyon na opisyal na naghirap nang husto para manalo ang kanyang amo, pero inagawan ng puwesto ng isang tao na ang trabaho lang ay patawanin ang nanalong pangulo noong panahon ng kampanya.
