SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
NANUMPA nga pala si Quezon City District 1 (QCD1) Representative Arjo Atayde bilang miyembro ng Nacionalista Party (NP).
Sa harap nina House Senior Deputy Majority Leader, NP members, at Ilocos Norte District 1 Representative Sandro Marcos, ay nanumpa siya na magiging mabuting kasapi ng partido.
“Ang inyo pong lingkod ay pormal na pong nanumpa bilang bagong kasapi ng Nacionalista Party. Naging saksi sa panunumpang ito ang aking mga magulang na sina Sylvia Sanchez at Art Atayde.
Ako po ay nanumpa sa aking kapwa mambabatas, kaibigan at kasamahan sa Kongreso na siya ring House Deputy Majority Leader na si [Congressman Sandro Marcos],” wika ni Atayde.
Kung hindi ako nagkakamali, aba’y dumalo at naging saksi rin sa panunumpa ni Atayde sina Deputy Speaker Camille Villar-Genuino at Sen. Mark Villar na kapwa rin miyembro ng NP.
Ang pag-anib ni Atayde sa samahan ng Nacionalista ay bahagi rin ng kanyang pakikiisa at pakikipagtulungan sa ating kasalukuyang pamahalaan.
Sa ganitong paraan aniya ay mas mapalalawig pa niya ang mga posibleng proyekto at programa na maaaring mapakinabangan ng mga mamamayan sa Unang Distrito ng QC.
Para sa mga hindi pa nakaaalam, ang NP ay ang pinakamatandang political party sa Pilipinas at Timog-Silangang Asya.
Siyempre, ito rin ang pangunahing political party ng administrasyon ng mga dating pangulo na sina Manuel Quezon, Sergio Osmeña (1935-1946), Ramon Magsaysay at Carlos Garcia (1953-1961) at Ferdinand Marcos, Sr. (1965-1972).
Kung maaalala, tumakbo si Atayde bilang independent sa nakaraang eleksyon noong Mayo sa suporta ni QC Mayor Joy Belmonte. Mahigit 100 araw nang nakaupo si Atayde.
Aba’y nakapagsulat na siya ng limang panukalang batas matapos siyang manalo ng landslide sa Congressional race sa QCD1 kung saan 66.85% ang nakuha niyang boto.
Good luck and more power po sa inyo, Cong. Arjoy Atayde!
169