Pinayuhang manatili sa Kapitolyo KORTE LANG MAKAPAGPAPABABA KAY GOV. TEVES

KORTE lamang ang maaaring mag-utos na bumaba sa pwesto si Negros Oriental Governor Henry Teves.

Giit ito ni Atty. Ferdinand Topacio, isa sa mga abogado ni Teves, bilang reaksyon sa naunang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagpapawalang-bisa sa panalo ng gobernador noong May 9, 2022 elections.

Ito ay matapos i-kredito ng poll body ang mga boto na nakuha ng itinuring na nuisance candidate na si Ruel Degamo sa natalong gubernatorial candidate na si Roel Degamo.

Maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay pinayuhan si Teves na bakantehin ang naturang pwesto.
Gayunman, kinontra ito ni Topacio.

Sa halip, pinayuhan niya si Gov. Teves na manatili sa Kapitolyo at ipagpatuloy lamang ang pagganap sa kanyang mga tungkulin bilang ama ng lalawigan.

Ani Topacio, si Teves ang nanalo at naiproklamang gobernador matapos ang eleksyon noong Mayo.

Dagdag pa niya, hindi ang Comelec o DILG ang maaaring magpababa sa puwesto kay Teves kundi isang korte.

Banggit pa ni Topacio, si Degamo ang dapat idiskwalipika dahil maituturing na pang-apat na niyang termino at nakasaad sa batas ang limitasyon ay tatlong lamang.

“The case is only between the two Degamos, so the Comelec decision only applied to them, but not to Governor Teves,” paliwanag pa ni Topacio.

Sa idinaos na press conference kahapon, nagpakita ng suporta kay Teves ang 20 alkalde kabilang sina Bacong Mayor Lenin Aviola, Negros Oriental mayors league president, kasama si Canlaon City Mayor Batchuk Cardenas.

Iniakyat na rin ng kampo ng gobernador sa Supreme Court (SC) ang usapin.

Banggit pa ni Topacio, “unfair” para sa mamamayan ng Negros Oriental na bumoto kay Governor Teves ang desisyon ng Comelec. Naniniwala naman umano siyang magiging patas ang SC sa desisyon nito. (JOEL O. AMONGO)

183

Related posts

Leave a Comment