1 PATAY, 10 SUGATAN SA VAN VS TRUCK

LUCENA CITY – Patay ang driver ng passenger van habang sugatan ang 10 pang biktima matapos na salpukin ang nasabing sasakyan ng kasalubong na wing van truck sa Lucena City Diversion Road, Barangay Domoit, noong Huwebes ng hatinggabi.

Sa inisyal na report ng Lucena PNP, patungo sa direksyon ng bayan ng Pagbilao ang passenger van na minamaneho ni Arjay Dela Cueva, 33-anyos, nang salpukin ito ng kasalubong na wing van dakong alas-12:00 ng hatinggabi.

Sa lakas ng pagkakasalpok parehong nawasak ang unahang bahagi ng dalawang sasakyan at naipit sa manibela si Cueva.

Isinugod ito sa ospital ng nagrespondeng mga tauhan ng Lucena DRRMO subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Sugatan naman ang maybahay ng driver na kinilalang si Joan Mancera Broqueza, 33, at ang dalawang anak nila na sina Yohan, 3, at Allayne Jhoy, 8-anyos.

Sugatan din ang mga pasahero pang sina Jojo Anobling, 46; Antonio Werba, 58; Alicia Catangay Werba, 54; Elwin Dela Cueva Badong, 31; live-in partner nitong si Aizel Catangay Werba, 31, at anak nilang si Askelad Badong, 11-anyos. Ang mga biktima ay pawang taga Bay, Laguna.

Galing Laguna ang passenger van at pauwi ang mga sakay nito sa probinsya ng Albay nang mangyari ang aksidente.

Lumalabas sa imbestigasyon na lumagpas ang wing van sa kabilang linya kaya na-head on collision nito ang passenger van.

Iniwasan umano nito na masalpok ang nasa unahang motorsiklo kaya kumabig ang driver patungo sa linya ng kasalubong, subalit hindi na ito naiwasan ng paparating na passenger van.

Ikinustodiya naman ng Lucena Police ang driver ng wing van truck na si Aries Nacor, 24, taga Pulilan, Bulacan, na bahagyang nasugatan, gayundin ang kasamang pahinante nito na si Jonathan Quizol Levares,19-anyos.

Nahaharap si Nacor sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, at multiple physical injuries and damage to property. (NILOU DEL CARMEN)

205

Related posts

Leave a Comment