MAGLALATAG ng mahigit 5,000 Police Assistance Desks (PADs) ang Philippine National Police (PNP) sa buong bansa bilang bahagi ng paghahanda para sa seguridad sa nalalapit na paggunita ng Undas 2025.
Ayon kay PNP-Public Information Office chief Police Brig. Gen. Randulph Tuaño, itatayo ang mga PADs sa matataong lugar tulad ng mga sementeryo, simbahan, bus terminal, pantalan, at iba pang pampublikong lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao.
Sinabi ni Tuaño na mahalaga ang proactive police visibility upang mapanatili ang kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan ng publiko, at maiwasan ang anumang ilegal na aktibidad o insidente ng krimen habang ginugunita ang Undas.
Itinaas na rin ng PNP ang bilang ng mga pulis na ide-deploy mula 25,000 tungo sa 31,000 personnel upang mas mapalakas ang seguridad sa mga pangunahing lugar.
Ayon pa kay Tuaño, ilalagay sa full alert status ang buong pwersa ng PNP simula Oktubre 31, isang araw bago ang Undas, bilang bahagi ng comprehensive security preparation ng pambansang pulisya.
Samantala, mag-iikot mismo si PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa iba’t ibang sementeryo sa araw ng Undas upang personal na tiyakin na maayos, mapayapa, at ligtas ang paggunita ng publiko sa Araw ng mga Yumao.
(TOTO NABAJA)
13
