HINDI na madaanan ng maliliit na mga sasakyan ang bahagi ng Manila East Road sakop ng bayan ng Mabitac sa lalawigan ng Laguna.
Ito ay dahil sa mataas na baha sa lugar na sakop na Barangay Naguma na nag-uugnay sa mga bayan ng Famy-Siniloan at Mabitac na patungo sa Rizal at Metro Manila via Pililla.
Ayon kay Mabitac Police chief, P/Capt. Earl Jangalay, mula alas-7:00 ng umaga nitong Sabado ay tumaas na ang tubig-baha at nadadaanan pa ng maliliit na mga sasakyan.
Pero dakong alas-11:00 ng tanghali ay umabot na sa hanggang beywang ang taas ng tubig-baha kaya pinigil na nila ang pagdaan ng maliliit na mga sasakyan.
Nakaalalay ngayon ang mga tauhan ng Mabitac Police at ginagabayan ang ilang malalaking sasakyan na nagpipilit na dumaan sa baha.
Mahaba naman ang pila ng mga sasakyan na stranded sa magkabilang dulo at naghihintay na humupa ang baha.
Samantala, lubog na rin hanggang binti na baha ang ilan pang barangay at town proper ng Mabitac. (NILOU DEL CARMEN)
