(NI KEVIN COLLANTES)
PORMAL nang umarangkada nitong Biyernes ang local campaign period para sa May 13 midterm elections.
Kaugnay nito, nagkanya-kanyang gimik naman ang mga kandidato para mahikayat ang mga botante na sila ang iboto sa nalalapit na eleksyon.
Sa San Juan City naman, mahigpit ang tunggalian sa pagka-alkalde sa pagitan nang dating magkaalyadong sina incumbent Vice Mayor Janella Ejercito Estrada at dating San Juan Vice Mayor Francis Zamora.
Hindi naman muna kaagad sumabak sa pangangampanya si Estrada, na anak ni dating senator Jinggoy Estrada, at sa halip ay nagpasyang ilunsad ang kanilang kampanya dakong 4:00 ng hapon ngayong Sabado, Marso 30.
Ayon sa kampo ni Estrada, pangungunahan ng bise alkalde ang isang proclamation rally sa Plaza ng Masa sa N. Domingo Street, na inaasahang dadaluhan ng may 10,000 tagasuporta nito at ng kanyang amang si Jinggoy at tiyuhin na si Senator Joseph Victor ‘JV’ Estrada na kapwa tumatakbo naman sa pagka-senador.
Makakasama ni Estrada sa pangangampanya si congressional candidate Edu Manzano, at ang ka-tandem ni Estrada na si vice mayoralty candidate na si Boy Celles.
Samantala, dakong 4:00 naman ng hapon nitong Biyernes nang ilunsad ng mga Zamora ang kanilang kampanya para sa local elections.
Pinangunahan mismo ni Zamora at ng kanyang amang si reelectionis Cong. Ronny Zamora ang paglulunsad ng kanilang kampanya sa pamamagitan ng isang banal na misa, na idinaos sa Pinaglabanan Church.
Isang parada rin ang isinagawa matapos ang misa ganap na 5:00 ng hapon patungo sa Plaza ng masa, kung saan idinaos ang aktwal na Proclamation Rally ganap na 6:00 ng gabi.
Sa Pasig City, tatangkaing agawin ni Councilor Vico Sotto ang pwesto sa pagka-alkalde laban kay incumbent Robert Eusebio, na ang angkan ay matagal nang namumuno sa lungsod.
Si Sotto, 29, na pinakabatang konsehal ng Pasig, at anak ng mga beteranong artistang sina Vic Sotto at Coney Reyes, ay kasalukuyan ring chairman ng Public Relations and Information Committee ng lungsod.
Wala namang kalaban sa pagka-bise alkalde si vice mayor Christian Caruncho Bernardo ng PDP-Laban.
Sa kabilang dako, sa Marikina City naman ay tatangkain naman ni incumbent at reelectionist Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na makuha ang kanyang ikalawang termino, bilang alkalde ng lungsod.
Makakalaban niya sa posisyon sina mayoralty candidates Lorderito Nebres at Marijoy Villoso.
Sa Mandaluyong City naman, mistulang panalo na si Mayor Carmelita Abalos, na asawa ni long-time Mayor Benjamin ‘Benjamin’ Abalos, Jr., na anak ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos.
Tumatakbo sa kanyang ikalawang termino si Mayor Menchie ngunit wala namang mabigat na makakalaban sa eleksiyon kaya’t inaasahan na ang panalo nito.
309