QUEZON – Naaresto na ng mga tauhan ng Lumban Police ang dalawang suspek na nagholdap at nambugbog sa magkasintahang namamasyal sa Caliraya Lake at gumahasa sa babaeng biktima, noong Biyernes ng gabi.
Sa follow-up operation ng noong Sabado ng umaga, natimbog sa checkpoint ang mga suspek na isang 38-anyos na construction worker na si Danilo Barimbad Jr. na taga Barangay Lewin, Lumban, at isang 35-anyos na welder na si Joseph delos Reyes na taga Brgy. Bagong Silang, Lumban, Laguna, matapos tumugma sa description ng sasakyang ginamit sa krimen, ang tricycle na sinasakyan ng dalawa nang parahin ng mga pulis.
Sa imbestigasyon sa tirahan ng dalawa, inaresto rin ang magkamag-anak na live-in partner ng dalawa matapos makumpiska sa pag-iingat ng mga ito ang dalawang cellphone na pag-aari ng mga biktima.
Narekober din sa mga suspek ang pares ng tsinelas ng magkasintahan at ang isang replika ng maiksing baril na ginamit na panakot ng mga suspek sa mga biktima.
Sa pulisya, positibo ang mga itong kinilala ng 18-anyos na estudyanteng lalaking biktima.
Samantala, nanatiling nasa ospital ang menor de edad nitong girlfriend dahil sa sugat sa ulo.
Dakong alas-10:00 noong Biyernes ng gabi nang tutukan ng baril at holdapin ng mga suspek ang mga biktima sa gilid ng Caliraya Lake.
Puwersahan ang mga itong pinasakay sa tricycle at dinala sa liblib na lugar sakop ng Barangay Lewin kung saan binugbog ang dalawa at saka hinalay ang babae.
Nakakulong na ang mga suspek sa Lumban Police Station locked-up cell at nakatakdang sampahan ng kaso sa Provincial Prosecutors Office sa Sta. Cruz, Laguna. (NILOU DEL CARMEN)
