HINDI biro ang dagok ng krisis na kinakaharap ng bansang Pilipinas. Inflation rate, patuloy na banta ng pandemya, hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia, kabi-kabilang dagdag-presyo, pagtaas ng singil sa serbisyo at ang pinsalang iniwan ng mga nakaraang kalamidad – ilan lang ‘yan sa mga dahilan sa likod na dinaranas na kahirapan ng mga Pilipino.
Gayunpaman, nananatiling nakatindig ang mga Pilipino bunsod marahil ng inilatag na reporma sa pamahalaan, partikular sa Bureau of Customs (BOC) kalakip ang mandatong tiyakin ang kaayusan ng kalakalan sa mga pantalan at paliparan.
Sa nakalipas na apat at kalahating buwan, kitang-kita ang pagbabago sa kawanihang dati lang kilala sa malawakang katiwalian.
Mula nang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos ,Jr., si Yogi Filemon Ruiz bilang Commissioner, mas naging masigasig ang BOC. Mga sindikato nilumpo, kasabay ng kabi-kabilang paghahain ng asunto kontra sindikato at mga tiwali sa gobyerno.
Nakita rin ang pinalakas na kampanya kontra smuggling – produktong agrikultura, baril, droga at iba pa.
Pati ang buwanang koleksyon mula sa buwis at taripang kalakip ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento, sumipa na rin nang husto.
Base sa datos ng BOC Financial Service Office, higit pa ang nalilikom na pondo ng kawanihan sa nakalipas na apat at kalahating buwan.
Higit pa sa pag-abot ng itinakdang buwanang target, nalampasan na rin ng BOC ang P721.52 billion 2022 revenue collection target sa unang linggo pa lang ng Nobyembre – o 50 araw bago ang pagtatapos ng taon.
Ang kabuuang nalikom – P745.5 billion! Susmaryosep! Nobyembre pa lang, sumobra na ng halos P24 billion ang pumasok na ganansya… at inaasahang mas lalaki pa hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.
Sa aking pagsasaliksik, record-breaking ang nalikom na pondo ng kawanihan. Maging ang mga distritong dati-rati ay sablay sa buwanang target, nagpakitang gilas sa pag-upo ni Ruiz sa naturang ahensya.
Ano nga ba ang meron ngayon sa BOC at tila umayos ang sistema ng nasabing ahensya? Ang sagot – si Ruiz!
Bakit kamo? Dangan naman kasi, hindi uubrang mapaglalangan si Ruiz na nagsilbing operatiba sa loob ng mahabang panahon bago naluklok sa kinalalagyang pwesto. Alam niya ang pasikot-sikot sa pangangalap ng mga impormasyon hinggil sa operasyon ng mga sindikato, pagkilatis ng mga tiwaling taong-gobyerno at ang pagtugis sa mga target na personalidad.
Kung susuriin si Ruiz, talaga naman siya’y istrikto. Pero ang kanyang estilo sa BOC, sadyang kakaiba. Sa kanyang pag-upo hindi siya nagpadalos-dalos. Wala rin siyang bitbit na tao.
Ang mga inabutan sa kawanihan, kanyang pinakiusapan na tupdin ang nakaatang na tungkulin sa gobyerno bilang ambag sa pagbangon ng ekonomiyang nasadlak sa dusa bunsod ng global recession.
Kaya kung mayroon man siyang sisipain sa kawanihan, siguradong wala siyang pagkukulang dahil ang lahat naman ay kanyang pinaalalahanan.
Sa puntong ito, kumbinsido akong nakatagpo ng tamang tao ang Pangulo sa BOC. ‘Yan si Yogi!
