MMDA CONSTABLE TIKLO SA EXTORTION

INIULAT ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brigadier General Nicolas Torre III ang pagkakaaresto sa isang Metro Manila Development Authority (MMDA) traffic constable dahil sa kasong robbery extortion, sa operasyon ng pinagsamang mga tauhan ng Holy Spirit Police Station (PS-14) at MMDA kahapon ng umaga sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Kinilala ni P/Lt. Col. Alex Alberto, station commander ng PS-14, ang nadakip na MMDA traffic constable na si Raul Lapore y Biasong, 53-anyos, residente ng Brgy. Batasan Hills, Quezon City. Si Lapore ay nakatalaga sa MMDA sa Timog Avenue, Quezon City.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng mga reklamo ang mga awtoridad mula sa truck drivers na dumaraan sa Congressional Avenue Extension, na umano’y may kotongan na nangyayari na ginagawa ng suspek.

Noong Disyembre 8, 2022, nagsasagawa ng anti-criminality patrol ang mga tauhan ng PS-14 sa lugar para alamin ang ulat ng pangongotong ng suspek.

Sa imbestigasyon, dakong alas-3:40 ng madaling araw noong Disyembre 8, 2022, habang ang complainant na si Crislie Rife, truck driver, ng Mapulang Lupa, Valenzuela ay nakasakay sa isang trailer truck na may plate number NDD-6461 at tinatahak ang Congressional Extension North Bound, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City at may dalang crane, nang pahintuin siya ng suspek dahil sa “oversize load” violation.

Pagkatapos nito, humingi ng P500 ang suspek kapalit ng non-issuance ng traffic violation ticket subalit nakipagtawaran ang biktima sa suspek kaya ibinaba sa P300 ang ibinayad sa traffic constable.

Habang nagpapatrulya ang mga pulis ay nakita nila ang pangyayari na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek,

Nabawi naman ng mga awtoridad mula sa suspek ang halagang P300 at agad itong hinuli para kasuhan sa robbery extension.

(JOEL O. AMONGO)

221

Related posts

Leave a Comment