Sa pagkamatay ng NBP high profile inmates NBI, BUCOR SANIB-PWERSA SA IMBESTIGASYON

MAGKASANIB na puwersa ng National Bureau of Investigation ( NBI) at Bureau of Corrections (BuCor) ang nakatutok sa pag-iimbestiga sa pagkamatay ng high-profile inmates sa New Bilibid Prison (NBP) sa kalagitnaan ng 2020.

Ayon kay BuCor acting Director General Gregorio Catapang, Jr., inimpormahan na nila ang NBI na ang convicted drug dealer na sinasabing namatay sa cardiopulmonary arrest dahil sa COVID-19 noong June 2020, ay sinasabing pinatay sa loob ng Site Harry, ang isolation area sa NBP kung saan dinadala ang mga inmate na COVID positive.

“Meron kaming mga info diyan na pinapasa namin sa NBI para hindi naman kami mahirapan sa dami ng problema namin. Pinapasa na namin sa NBI. Sila na nag-iimbestiga. Kami lang nagbibigay ng lead,” pahayag ni Catapang sa ABS-CBN News.

“Inimbestigahan namin ‘yan… Kung hindi bola ang kwento, kung totoo naman ang sinasabi and it can be substantiated by facts, kinukuha namin and we pass it sa NBI,” dagdag pa ng opisyal.

Isang inmate ang iniulat na sinundo mula sa NBP ng armadong mga ahente ng NBI para kunan ng salaysay kaugnay sa kanilang imbestigasyon sa pagkamatay ng high-profile inmates sa Bilibid.

Bukod sa nasabing convicted drug dealer, ilan sa mga high-profile PDL na sinasabing namatay sa COVID-19 ay sina Jaybee Sebastian, Francis Go, Willy Yang, Benjamin Marcelo, Zhang Zhu Li, Jimmy Kinsing Hung, Ryan Ong, at Amin Boratong.

Inaalam din sa imbestigasyon kung sino ang doktor na pumirma na nagpatunay na ang mga inmate ay namatay sa Covid at dapat i-cremate.

Samantala, hinihintay pa ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang resulta ng imbestigasyon ng NBI kaugnay sa nasabing kaso.

Sa ambush interview kahapon, sinabi ni Remulla na patuloy silang nangangalap ng ebidensya hinggil sa alegasyon na ito. Kailangan anyang makita niya muna ang report ng NBI para mapagplanuhan ang susunod na hakbang ng kanilang kagawaran. (RENE CRISOSTOMO)

298

Related posts

Leave a Comment